Lunes, Abril 17, 2023

Di ko ikinahihiyang maging...

DI KO IKINAHIHIYANG MAGING...

di ko ikinahihiya ang maging tibak
ang maging kaisa ng dukha't hinahamak
pagkat bayan ay sugatan at nagnanaknak
dahil sa sistemang bulok at mapangyurak

di ko ikinahihiyang maging makata
dahil iyan ang pinili kong buhay, tumula
nais kong kumatha ng laksang talinghaga
upang magkama ang sa sahig nakahiga

di ko ikahihiyang maging manunulat
dyaryo't libro'y binabasa't binubulatlat
maraming isyung nanilay at nadalumat
nang masulat na'y binabahagi sa lahat

di ko ikahihiya yaring pagkatao
pagkat iyan ako, ito ako, prinsipyo
ang pinaiiral, magutom mang totoo
basta ginagawa'y wasto at makatao

nakakahiyang gawin ay katiwalian
o ang pangungurakot sa pamahalaan
lalo na't pagnanakaw sa kaban ng bayan
pag nahuli ka'y tiyak na makakasuhan

- gregoriovbituinjr.
04.17.2023

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Di nagsisisi sa pagiging pultaym na tibak

DI NAGSISISI SA PAGIGING PULTAYM NA TIBAK di ako nagsisising naging aktibista bilang pultaym at makatang lingkod ng masa noon pa man ito...