Sabado, Mayo 6, 2023

Natibò

NATIBÒ

di salitang Filipino ng "native" ang natibo
di dapat Kastilaloy o barok ang salin dito
pagkat "katutubò" ito sa wikang Filipino
tanong kasi'y nabubog, natibò ang sagot dito

mula sa salitang tibò, na mabagal ang bigkas
di tibô na lesbyana, na mabilis ang pagbigkas
ang tibò ay tinik sa talahiban sa Batangas
na sa lalawigan ni ama'y doon ko nawatas

bihira naman ang talahiban dito sa lungsod
bubog ang nakasusugat, kaya tanong: nabubog
natibò ay lalawiganing salitang natisod
o batid din marahil ng gumawa nitong krosword

kaya sa salitang "native", huwag itong isalin
ng "natibo" kundi "katutubò", taal sa atin
may impit naman ang natibò, dapat alam natin
at ilapat sa wasto kung sakaling gagamitin

- gregoriovbituinjr.
05.06.2023

* ang krosword ay mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Mayo 5, 2023, p.14

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sali, salit, salita

SALI, SALIT, SALITA sumasali ako sa pagtula dahil iyan ang bisyo ko't gawa salitan man ang mga salita patuloy na kakatha't kakatha m...