Lunes, Hunyo 19, 2023

Itapon ng wasto ang kalat natin

ITAPON NG WASTO ANG KALAT NATIN

nararamdaman natin ang paghibik
ng kalikasang nabikig, natinik
kalat natin sa kanya'y nagsumiksik
na tayo rin naman yaong naghasik

kalat natin ay kanya nang nilulon
habang tayo'y masayang maglimayon
paanong dapat nating gawin ngayon
kundi kalat ay sa wasto itapon

nakakababa ba ng pagkatao
ang mga kalat doon, kalat dito?
gayong may pinag-aralang totoo
subalit plastik at walang prinsipyo?

basura't plastik ay huwag sunugin
iyan ay ganap nang batas sa atin
nabubulok at hindi'y pagbuklurin
ang nabubulok sa lupa ilibing

pag-aralan ang sistemang ganito:
ang di nabubulok ay iresiklo
o kaya'y ibalik nating totoo
ang bote't plastik sa gumawa nito

- gregoriovbituinjr.
06.19.2023

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tampipì

TAMPIPÌ sa krosword ko lang muling nakita ang salitang kaytagal nawalâ sa aking isip ngunit kayganda upang maisama sa pagtulâ labimpito paha...