Huwebes, Enero 4, 2024

Ang aklat ng haiku ni Rogelio G. Mangahas

ANG AKLAT NG HAIKU NI ROGELIO G. MANGAHAS
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kayganda ng aking pakiramdam nang mabili ko ang aklat na "Gagamba sa Uhay, Kalipunan ng mga Haiku" ng makatang Rogelio G. Mangahas, na may salin sa Ingles ni Marne L. Kilates. Animo'y isang gintong aklat ang aking napasakamay.

Nabili ko iyon sa National Book Store sa Malabon City Square, sa Letre, Malabon noong Hunyo 14, 2023, sa halagang P250.00. Inilathala iyon ng C & E Publishing noong 2006. Umaabot ng 183 pahina, na kung idaragdag ang 34 pahinang naka-Roman numeral, dahil sa Liham ng May-akda, Translator's Note, at Introduksyon ni national artist Rio Alma, ay 217 pahina lahat.

Nasa 270 haiku ang nasulat ni Mangahas, kaya 270 haiku rin ang isinalin ni Kilates. Bawat haiku ay may nakatalagang numero. Nahahati sa pitong bahagi ang mga ito, kung saan pinamagatan niya ang nilalaman ng Mga Uhay ng Haiku:

1. Tutubi sa Tukal - Haiku 1-32 (32 haiku)
2. Hiyaw sa Kalaw - Haiku 33-90 (58 haiku)
3. Laglag na Hasmin - Haiku 91-114 (24 haiku)
4. Gagamba sa Uhay - Haiku 115-175 (61 haiku)
5. Maya sa Barbed Wire - Haiku 176-212 (37 haiku)
6. Sugatang Punay - Haiku 213-223 (11 haiku)
7. Alitaptap sa Gulod - Haiku 224-270 (47 haiku)

Malalalim o marahil ay lalawiganin ang ilang mga salita na kailangan mo pang tingnan ang kahulugan sa diksyunaryo. O kaya'y basahin ang salin sa Ingles upang maunawaan mo kung ano iyon. Kayganda rin ng salin at sinubukan din ni Kilates na nasa pantigang 5-7-5 din ang mga ito, bagamat marami ring hindi nasa pantigang 5-7-5.

Ginamit kong sanggunian ang UP Diksiyonaryong Filipino (UPDF), at ang English-Tagalog Dictionary (ETD) ni Leo James English. Maganda ring may salin sa Ingles ang mga haiku upang mas mabasa rin ito ng mga banyaga at dayuhang nakakaunawa ng Ingles.

Marahil ay sasabihin mo, pareho lang naman ang banyaga sa dayuhan, ah. Sa palagay ko'y hindi. Ang dayuhan ay yaong nakatuntong sa ating bansa na iba ang nasyunalidad. Ang banyaga ay yaong tagaibang bansa, na marahil ay hindi umalis ng kanilang bansa kaya hindi dumayo sa ating bansa. Halimbawa, ang makatang Edgar Allan Poe ay banyaga subalit hindi dayuhan, dahil hindi naman siya umalis sa Baltimore at nagpunta ng Pilipinas. Gayunpaman, magpatuloy tayo.

Nagustuhan ko ang kanyang mga haiku, o tulang nasa tatlong taludtod at may pantigang 5-7-5. Tingnan ang ilang haiku sa aklat ni Mangahas.

Haiku 1

Tingnan, tutubi'y
darakma lang ng niknik,
tuntunga'y tukal.

Madaling maunawaan ang tutubi, subalit hindi ang niknik at tukal. Kaya masasabi mong ito'y lalawigan. Ang niknik ay kulisap na maliit, subalit ang tukal ba'y ano? Subalit dahil sa salin ni Kilates, agad kong nabatid na ito pala ang taal na salita sa lotus.

Haiku 1 (salin)

Watch, a dragonfly,
poised to snatch a gnat,
must stand on lotus.

Sa ETD, p. 411, ang gnat ay "a small, two-winged insect or fly: Niknik. Sa UPDF, p. 820, ang niknik ay "1. maliit na insektong sumisipsip ng dugo; 2. maliit na lamok." Sa UPDF, p. 1283, ang tukal ay may dalawang kahulugan, batay sa kudlit o paano ito sinabi, ang túkal ay salitang Ilokano na "tukod na kawayan, ginagamit sa mga punong nakahilig." Ang tukál naman ay salitang Botany na "halamang tubig (Eichhornia crassipes) na biluhaba ang dahon na may lapad na 5-12 sm, mapintog ang tangkay, mabalahibo ang mga ugat, tila dapò ang mga bulaklak na asul o lila, at hugis itlog ang mga buto: hasinto, pulaw, water hyacinth.

Aba, magkaiba ang water hyacinth sa lotus, di ba? Ayon sa UPDF, p. 716, ang lotus ay "2.a. halamang lily (genus Nelumbo) na may pink at malalaking bulaklak." Gayunman, di man magtugma ang salin ng tukál sa lotus, ito'y upang mas maunawaan lang natin saan nga ba nakatuntong ang tutubi, kundi sa isang halamang tubig.

Haiku 42

Simbad ng banoy:
kaytahimik.. iniwa'y
kará at kulós.

Upang magkasya sa limang pantig sa unang taludtod, ginamit ay banoy imbes na agila. Maaari ding lawin. Subalit ano ang kará at kulós? Ito ba'y ang sugal na kara at kurus? Ano ang kaugnayan nito sa agila? Tiningnan natin ang salin.

Haiku 42 (salin)

Eagle-swoop: swift
and quiet... all that's left: racket
of monkeys, rustle of leaves.

Wow! May bago na naman tayong natutunang salitang lalawiganin. Ano ang racket of monkeys? May raketa ba ang mga unggoy, tulad sa tenis o badminton? Ano ang kará? Ito ang pagkakaingay ng mga unggoy. Ayon sa ETD, p. 816, bukod sa stringed bat, ang racket ay "2. a loud noise". Ayon naman sa UPDF, p. 578, ang kará (hindi kára) ay "1. paulit-ulit na pagpadyak. 2. aklaha." Ano naman ang aklaha? Sa UPDF, p. 23, ang aklaha ay "1. hiyawan ng mga unggoy. 2. [Sinaunang Tagalog] sigaw ng mga api at nawalan ng kapangyarihan." Ang kulós naman, sa UPDF, p.640, ay "kaluskos".

Kaya kung pag-iisipan natin ang binasa nating haiku, o ilalarawan natin sa utak, ito'y hinggil sa mabilis at walang ingay na pagdapo ng agila sa puno, na nang muling lumipad, ang naiwan na lang ay ang nagkakaingay na unggoy at ang kaluskusan ng mga dahon.

Kung ito pa ay monkey-eating eagle, baka nakadagit pa ng unggoy ang agila, kaya nagkaingay ang mga unggoy, habang naglaglagan din ang mga dahon sa puno.

Napakapayak naman at madaling unawain ng Haiku 169.

Kita ko'ng uod
sa bulok na bayabas,
wari'y umindak.

Subalit iba ang Haiku 173, dahil wala sa UPDF ang "nagsamalo"

Baguntao kong
tinungkia'y sinakyan -
ba'y nagsamalo!

Kadalasan ang baguntao ay tumutukoy sa binata, o marahil ay nagbibinata na, bagong tuli. Subalit sa haiku ni Mangahas, ito'y tumutukoy sa anak ng baka o kalabaw. Nang nilagyan ng lubid ang ilong ng guya, o ng baguntao, ito'y nagwala o nagsamalo.

Sumigla ang aking panulat nang mabasa ko ang aklat na ito ng mga haiku ni Mangahas, na karaniwan ay pumapaksa sa buhay sa kalikasan at sa lalawigan, at dahil dito'y sinubukan kong makalikha rin ng haiku. Subalit dahil ako'y mas nasa kalunsuran nakatira ay binigyan ko ng buhay ang ilang mga paksa sa lungsod. Narito ang ilan:

1

patuloy pa rin
ang kontraktwalisasyon
sa Bagong Taon

2

obrero'y hirap
sa kontraktwalisasyong
sadyang laganap

3

nang mag-Climate Walk
kami, ang aming hiyaw:
Climate Justice Now!

4

putok sa buho
raw siya kaya dukha;
walang magulang?

5

tuloy ang kayod
mababa man ang sahod
kaysa lumuhod

6

huwag matakot
makibaka, kasama!
laban sa buktot

7

sistemang bulok
dala ng mga hayok
at nailuklok

8

dapat palitan
ang sistemang gahaman
di pang-iilan

9

kinabukasan
ay ating ipaglaban
para sa bayan

10

ang aking asam
kabuluka'y maparam
nang di magdamdam

Isang inspirasyon sa mga tulad kong mangangatha ng tula ang pamanang iniwan sa atin ng makatang Rogelio G. Mangahas. Isang taospusong pagpupugay.

01.04.2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tampipì

TAMPIPÌ sa krosword ko lang muling nakita ang salitang kaytagal nawalâ sa aking isip ngunit kayganda upang maisama sa pagtulâ labimpito paha...