Martes, Enero 23, 2024

Nilay

NILAY

nakatingalang muli sa kisame
naglalaro ang diwa ngayong gabi
sa loob ay kayraming sinasabi
bakit di sa una ang pagsisisi

kaharap ay kawalan, nalulumbay
tila nahihibang, di mapalagay
ang mga nangyari'y di mapag-ugnay
samutsari, bagay, gabay, antabay

ano kaya't magkape muna kita?
bagahe'y ibaba pansamantala
saan patungo sa kamakalawa?
pagkakape nga ba'y nagpapakaba?

mas nais ko pang titigan ang langit
habang nasa katreng lumalangitngit
sa diwa'y may kung anong humaginit
animo'y palasong may dalang lupit

- gregoriovbituinjr.
01.23.2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Salamat sa t-shirt

SALAMAT SA T-SHIRT iisang tshirt, magkaibang kulay sa litrato ang pagitan ng pagpitik sa kamera'y segundo pinalitan ko lamang naman ang ...