Biyernes, Pebrero 16, 2024

Nagigising ng madaling araw

NAGIGISING NG MADALING ARAW

nagigising ng madaling araw
ako nga'y naaalimpungatan
pagkat may paksang biglang lilitaw
na punong-puno ng katanungan

maralita ba'y kaawa-awa
pinagsasamantalahan lagi
ito'y lipunan ng manggagawa
subalit kaapiha'y masidhi

binubuhay nila ang lipunan
binubundat ang kapitalista
ang ganito ba'y makatarungan?
ah, bakit ba bulok ang sistema?

kayraming paksa pag nahihimbing
sa akin animo'y nanggigising

- gregoriovbituinjr.
02.16.2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pang-apatnapu't siyam na sa mundo si Alex Eala!

PANG-49 NA SA MUNDO SI ALEX EALA! kaytaas na ng ranggo ni  Alex Eala siya sa mundo'y pang-apatnapu't siyam na dapat ipagbunyi ang ka...