Linggo, Marso 17, 2024

Isang madaling araw

ISANG MADALING ARAW

bakit kaya di ko malirip
ang aking nasa't panaginip
bungang tulog na di maisip
sa madaling araw ng inip

bigla akong napamulagat
bumangon agad at nagmulat
pagkat binti'y namumulikat
namimitig hanggang balikat

tila baga ako'y kinuyog
ng sanlibo't isang bubuyog
buong katawan ko'y nabugbog
araw ko na ba'y papalubog?

nadama iyon ng sandali
kaya napangiwi ang labi
nais kong makatulog muli't
di managinip ng pighati

- gregoriovbituinjr.
03.17.2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tinuring mang makatâ ng lumbay

TINURING MANG MAKATÂ NG LUMBAY tinuring na makatâ ng lumbay sa mga tulang may luhang taglay lalo't nag-iisa na sa buhay bálo na't la...