Martes, Marso 5, 2024

Pagtitig sa kisame

PAGTITIG SA KISAME

minsan, nagninilay pa rin sa hatinggabi
naroroong nakatingala sa kisame
mata'y mulat na sa isip may sinasabi
nakatitig sa kawalan, anong mensahe

marahil ay naghihintay pa rin ng antok
di makatulog, nangangagat pa ang lamok
kanina lamang sa pagkilos ay kalahok
na sigaw ay ibagsak ang sistemang bulok

ano bang meron sa kisame kundi agiw
o marahil hindi, may larawan ng giliw
at naiisip ang pagsintang walang maliw
tulad ng makatang sa mutya'y nababaliw

minsan, kisame ang kasangga sa umaga
doon ibinubulong ang mga problema
doon kinakatha ang mga nakikita
hanggang susing kataga'y ibunyag ng musa

- gregoriovbituinjr.
03.05.2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Barya lang po sa umaga

BARYA LANG PO SA UMAGA nakasulat: /  barya lang po  /  sa umaga habang aking / tinatanaw / ang pag-asa na darating / din ang asam / na husti...