Sabado, Marso 16, 2024

Tarang maglakbay

TARANG MAGLAKBAY

ako'y naglalakbay / sa paroroonan
habang binabasa'y / libro sa aklatan
ginagalugad ko / ang mga lansangan
upang matagpuan / yaong karunungan

nagbakasakali / namang sa paglaon
ay matagpuan ko'y / yaman ng kahapon
di ginto't salapi, / pilak o medalyon
kundi rebolusyon / at pagberso noon

tara, tayo namang / dalawa'y maglakbay
tungo sa sakahang / puno pa ng palay
tungong karagatang / kayrami pang sigay
tungong himpapawid / na lawin ang pakay

O, ako diyata'y / isang manunula
isang manunulay / sa tulay ng tula
galugad ang loob / niring puso't diwa
sa mga panahong / tula'y di matudla

- gregoriovbituinjr.
03.16.2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Dating plakard, petsa lang ang binago

DATING PLAKARD, PETSA LANG ANG BINAGO dating plakard na gamit ng Nobyembre na binago lang, ginawang Disyembre di pa rin nagbabago ang mensah...