Linggo, Hulyo 28, 2024

Pananaliksik

PANANALIKSIK

patuloy akong magsasaliksik
ng anumang paksang natititik
o sa lansangan ay isyu't hibik
o usaping dapat isatitik

marahil iyan ang magagawa
ng tulad kong abang mangangatha
magsaliksik, maghanap, mangapa
ng paksang dapat batid ng madla

anong isyu ng dukha't obrero
bakit dapat itaas ang sweldo
bakit dapat labanan ang trapo
at ibagsak kasama ng amo

bakit maralita'y naghihirap
dahil ba sa trapong mapagpanggap
anong sistemang dapat magagap
ng maralitang di nililingap

patuloy kong gagawin ang misyon
sa kauri't gampanan ang layon
sasaliksikin ko ang kahapon
upang iugit sa bagong ngayon

- gregoriovbituinjr.
07.28.2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Di pa ubos ang tinta ng aking panulat

DI PA UBOS ANG TINTA NG AKING PANULAT di pa ubos ang tinta ng aking panulat kayâ habang may tinta pa'y sulat ng sulat lalo't hilig k...