Miyerkules, Agosto 7, 2024

Dalandan

DALANDAN

kalahating kilong dalandan ang binili
ko kanina nang mapadaan sa palengke
sisenta pesos, limang laman, isa'y dose
aking panghimagas dahil bawal ang karne

nakaraan ay paboritong abukado
sinturis naman ngayon ang pinapapak ko
upang sa pagkain ako'y maging ganado
at lunas na rin sa damang sipon at ubo

nang makita kanina'y di na nakatiis
di nag-atubili't binili kong mabilis
itong dalanghita, dalandan o sinturis
na sabi ng iba'y pampakinis ng kutis

ganyan ang ginagawa ko, imbes tabletas
aba'y ang kakainin ko'y maraming prutas
pagkat kailangan ko'y natural na lunas
upang karamdaman ay di na mababakas

sa ganitong prutas ay tiyak na lulusog
baka naman katawang payat ko'y bumilog
tila sa kalusugan ko'y kaygandang handog
upang mamayang gabi'y sumarap ang tulog

- gregoriovbituinjr.
08.07.2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Higit 50 natabunan sa Rizal Landfill

HIGIT 50 NATABUNAN SA RIZAL LANDFILL tilĂ  naulit ang nangyari sa  Payatas higit dalawang dekada nang nakaraan natabunan ng basura ang mamama...