Martes, Setyembre 24, 2024

Dalawang magkaibang aklat, iisa ang pabalat

DALAWANG MAGKAIBANG AKLAT, IISA ANG PABALAT
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nitong Manila International Book Fair 2024, sa SMX, ay nakabili ako ng dalawang magkaparehong aklat, sa booth ng UP Press, ngunit magkaiba ng Volume. Ang unang aklat ay The Achieve of, the Mastery, Filipino Poetry and Verse from English, mid-'90s to 2016; The Sequel to A Habit of Shores, Volume I, at ang ikalawang aklat ay may gayon ding pamagat, ngunit Volume II. Pareho itong inedit nina national artist for literature Gemino H. Abad at Mookie Katigbak-Lacuesta.

Noong araw na iyon ay nakabili ako ng 15 aklat, na halos pampanitikan lahat. Ang pito ay tigtitrenta pesos, at limang tigpi-P59. Kaya marahil ay di ko napansin na may magkaparehong aklat, na mabigat din nang binuhat kong lahat. Kaya ang nabanggit kong dalawang aklat sa itaas ay hindi ko napunang nabili ko pala pareho. Akala ko nga ay parehong libro ang nabili ko, kaya labis akong nanghihinayang. Subalit sa pagsusuri ay nakita kong magkaiba pala, ang isa ay Volume I at ang isa ay Volume II. Buti na lang.

Ang Volume I, na hanggang pahina 430, ay nagkakahalaga ng P100 at ang Volume II, na hanggang pahina 440, ay P59 lamang. Sa nilalaman, magkapareho rin mula pahina xvii - Acknowledgements, at mula pahina xix hanggang xxxiv - General Introduction: The Achieve of, the Mastery. Sa bandang dulong kabanata ng aklat ay magkapareho rin ang nilalaman ng Poets' Bio-Notes and Sources of Poems, na binubuo ng 68 pahina.

Pareho rin ang disenyo ng pabalat, kaya akala ko'y parehong aklat. Napatanong ako sa aking sarili: Bakit hindi man lang pinag-iba ang disenyo ng pabalat ng Volume I at Volume II? Wala na bang ibang naisip na disenyo ang nag-layout nito? Dapat ay pinag-iba nila ang disenyo ng pabalat upang hindi makalito, at hindi hahanapin kung anong volume ba ito.

Subalit mula pahina 1 ay nagkaiba na ang nilalaman. Sa Volume I ay nalathala ang mga tula ng dalawang national artist for literature ng bansa - sina Edith Tiempo at Cirilo F. Bautista. Magkaiba naman ng volume ang mag-amang Mario at Maningning Miclat. Kasama naman sa Volume II ang anim na tula ng editor ng nasabing aklat na si Mookie Katigbak-Lacuesta.

Animnapu't pitong makata ang bumubuo ng Volume I, habang pitumpu't apat na makata naman ang nasa Volume II. Bale isandaan at apatnapu't isang makata lahat. Binilang ko rin ang talambuhay ng bawat makata sa dulo ng aklat, at 141 din silang lahat.

Sa ngayon, nais kong namnamin muna ang mga kathang tula sa Ingles ng mga makatang Pinoy na nasa aklat. At kumatha ng munting tula sa usaping naisiwalat.

DALAWANG MAGKAIBANG AKLAT, IISA ANG PABALAT

pag-uwi ng bahay, ako'y sadyang nagulat
akala ko, nabili ko'y parehong aklat
pagkat pareho ang disenyo ng pabalat
panghihinayang sa puso ko'y umakibat

hanggang sa masuri kong magkaiba pala
ang dalawang libro, at Volume I ang una
magkasingkapal, Volume II naman ang isa
buti na lang, tingin ko'y pareho talaga

pareho rin ang una't huling kabanata
ngunit ang nilalaman ay nag-ibang sadya
katipunan ng tula ng mga makata
katasin mo't may libog, danas, luha't tuwa

bawat tulang narito'y nais kong manamnam
kung alin ang matamis, maalat, maanghang
dapat lang nating maunawa't malasahan
ang dagta't gata ng kanilang panulaan

06.24.2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Dagdag dugo muli

DAGDAG DUGO MULI mababa na naman ang kanyang hemoglobin  di pa abot ng otso, nasa syete pa rin dapat ay dose, ang normal na hemoglobin  kaya...