Martes, Setyembre 3, 2024

Pananghaliang tira sa isda

PANANGHALIANG TIRA SA ISDA

pananghaliang tira sa isda
ang kinain ng aming alaga
tinik, buntot, ulo at hasang man
ang mahalaga siya'y nabigyan

alam niyang manghingi sa amin
ngingiyaw lamang at maglalambing
kaya pagkatapos kong kumain
siya naman ang pakakainin

ganyan sa alaga, kapamilya
di nagpapabaya sa tuwina
di kinukulong, malaya siya
magtungo sa bahay o kalsada

madalas ko rin siyang ibidyo
kaya sa kanya'y maraming kwento
na nasubaybayan kong totoo
baka buhay niya'y masulat ko

- gregoriovbituinjr.
09.03.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/umYxNJKA85/ 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sa mga nag-ambag ng tulong

SA MGA NAG-AMBAG NG TULONG sa panahong ito ng kagipitan ay naririyan kayong nag-ambagan nagbigay ng inyong makakayanan nang lumiit ang aming...