Linggo, Disyembre 1, 2024

40 days at 40 nights na sa ward

40 DAYS AT 40 NIGHTS NA SA WARD

umabot na kami ng apatnapung araw
at apatnapung gabi dito sa ospital
kaytagal namalagi, pagkain ay lugaw
paano'y naoperahan dito si mahal

sa isang munting sakit, maraming nakita
mula gall stone at gerd, mayroon palang blood clot
namuo ang dugo sa bituka, nagbara
at di makapasok ang oxygen sa ugat

siya'y naoperahan, hanggang naimpeksyon
ang dugo, dalawang linggong antibayotik
na anong lakas daw, ramdam ni misis iyon
at sa harap niya, ako'y di makahibik

rare case, anang mga doktor, may mayoma pa
ilang beses siyang sinalinan ng dugo
dahil anong baba ng hemoglobin niya
ah, kailan ba sakit niya'y maglalaho

nagsagawa pa nga ng bone marrow biopsy
na pangatlong eksamen kung sanhi ba'y ano
di pa batid sa pagsususuri ang nangyari
lalo't resulta ng biopsy: negatibo

mabuti't guarantee letter na'y nagsipasok
malaking tulong sa kaymahal na gamutan
kung saan kukuha ng pera'y di maarok
upang ipandagdag sa aming babayaran

- gregoriovbituinjr.
12.01.2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tampipì

TAMPIPÌ sa krosword ko lang muling nakita ang salitang kaytagal nawalâ sa aking isip ngunit kayganda upang maisama sa pagtulâ labimpito paha...