Biyernes, Pebrero 14, 2025

Anong oras ka uuwi?

ANONG ORAS KA UUWI?

anong oras ka uuwi? tanong ni misis
na sinasagot ko nang may buong pagsuyo
ikapito ng gabi, tugong walang mintis
kaya pagsasama'y nananatiling buo

natural lang o likas ang tanong ng sinta
pag siya'y wala pa, ako'y nagtatanong din
ganyan talaga, lalo't kami'y mag-asawa
na sumumpang bawat isa'y pakamahalin

nag-aalala rin ang pusong di palupig
kung isa sa ami'y wala pa sa tahanan
pag di pa nakita ang sintang iniibig
dapat mabatid kung isa't isa'y nasaan

ganyan ang buhay may-asawa, naghihintay,
nagmamahalan, nagsusuyuan palagi
pag pagsinta'y nawala, iba na ang bahay
wala nang tanong: anong oras ka uuwi?

- gregoriovbituinjr.
02.14. 2025

* litrato mula sa pahayagang Bulgar, Pebrero 13, 2025, p.7

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

P50 dagdag sahod sa Hulyo 18

P50 DAGDAG SAHOD SA HULYO 18 imbes na dalawang daang piso dagdag sahod ay limampung piso pabor ba ito sa mga grupo ng manggagawa o ng obrero...