ANG AKLAT NA INSURGENT COMMUNITIES NI SHARON M. QUINSAAT
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.
Hindi ko pa personal na nakadaupang palad si Ms. Sharon M. Quinsaat, ang awtor ng aklat na Insurgent Communities: How Protests Create a Filipino Diaspora. Subalit nagkausap na kami sa pamamagitan ng gmail dahil inirekomenda ako sa kanya upang i-transcribe ang dalawang casette tape hinggil sa kanyang panayam sa mga OFW. Panahon iyon bago magkapandemya. Bilang pultaym na aktibista, nabayaran naman ako sa gawaing ito na nakatulong sa aking pagkilos at matupad ang iba pang gawain.
Kaya nang makita ko ang kanyang aklat sa booth ng Ateneo de Manila University Press sa Philippine Book Festival 2025 sa SM Megamall ay naisipan ko agad iyong bilhin. Subalit kulang ang aking salapi sa unang araw na pagtungo sa nasabing festival. Nagkakahalaga iyon ng P490.00.
Pagbalik ko sa ikatlong araw, aba'y bumaba na ang presyo, at nabili ko iyon sa halagang P360.00 mula sa orihinal na P490.00. Kaya nakatipid din ako ng P130.00 kung saan ang isandaang piso roon ay naibili ko ng tigsisingkwenta pesos na aklat pampanitikan sa booth naman ng UST Publishing House. Maraming salamat.
Ang nasabing aklat ay may sukat na 6" x 9" at kapal na 5/8" ay naglalaman ng 246 pahina (20 dito ang naka-Roman numeral). Binili ko iyon upang mabasa, at higit pa, bilang pakikiisa at pagsuporta sa awtor sa kanyang inilathalang aklat. Bukod sa Introduksyon at Konklusyon, ang aklat na ito'y binubuo ng mahahalagang paksa sa limang kabanata:
1. Movement(s) ang Identities: Toward a Theory of Diaspora Construction through Contention;
2. Roots and Routes: Global Migration of Filipinos;
3. Patriots and Revolutionaries: Anti-Dictatorship Movement and Loyalty to the Homeland;
4. Workers and Minorities: Mobilization for Migrants' Rights and Ethnic/National Solidarity; at
5. Storytellers and Interlocutors: Collective Memory Activism and Shared History
Ano nga ba ang diaspora na nabanggit sa pamagat ng aklat? Ayon sa Merriam-Webster Dictionary, ang diaspora ay a: people settled far from their ancestral homelands; b: the places where people settled and established communities far from their ancestral homelands; at c: the movement, migration, or scattering of a people away from an established or ancestral homeland. O sa wikang Filipino ay a: mga taong nanirahan malayo sa kanilang lupang ninuno o tinubuang bayan; b: mga lugar na tinahanan ng mga tao at nagtatag ng mga pamayanang malayo sa kanilang lupang ninuno o tinubuang lupa; sa c: ang kilusan, migrasyon, o paglikas ng isang tao nang malayo sa isang itinatag o lupang ninuno o tinbubuang bayan.
Sa likod na pabalat ng aklat ay mababasa ang hinggil sa diaspora na aking sinipi para sa mambabasa:
"When people migrate and settle in other countries, do they automatically form a diaspora? In Insurgent Communities, Sharon M. Quinsaat explains the dynamic process through which a diaspora is strategically constructed. Quinsaat looks to Filipinos in the United States and the Netherlands - examining their resistance against the dictatorship of Ferdinand Marcos, their mobilization for migrants' rights, and the construction of a collective memory of the Marcos regime - to argue that diasporas emerge through political activism. Social movements provide an essential space for addressing migrants' diverse experiences and relationships with their homeland and its history. A significant contribution to the interdisciplinary field of migration and social movements studies, Insurgent Communities illuminates how people develop collective identities in times of social upheaval."
Isinalin ko ito sa wikang Filipino: "Kapag lumikas at nanirahan na sa ibang bansa ang mga tao, awtomatiko na ba silang bumubuo ng diaspora? Sa Insurgent Communities, ipinaliwanag ni Sharon M. Quinsaat ang dinamikong proseso kung saan ang isang diaspora ay estratehikong nabuo. Tiningnan ni Quinsaat ang mga Pilipino sa Estados Unidos at Netherlands - sinuri ang pagtutol nila sa diktadura ni Ferdinand Marcos, ang sama-sama nilang pagkilos para sa karapatan ng migrante, at ang pagbubuo ng kolektibong memorya ng rehimeng Marcos - upang ikatwirang lumitaw ang mga diaspora sa pamamagitan ng pulitikal na aktibismo. Naglaan ng mahahalagang espasyo ang mga panlipunang kilusan sa pagtugon sa samutsaring karanasan at ugnayan ng mga migrante sa kanilang tinubuang bayan at sa kasaysayan nito. Isang makabuluhang ambag sa interdisiplinaryong larangan ng migrasyon at pag-aaral ng mga panlipunang kilusan, naipaliwanag sa Insurgent Communities kung paano umuusbong ang mga kolektibong pagkakakilanlan ng mga tao sa panahon ng agarang pagbabagong panlipunan."
Ginawan ko ng munting tula ang usaping ito.
DIASPORA
kaytalim sa diwa ng nabili kong aklat
pag-iisipin ka ng mga nakasulat
sa kahulugan ng diaspora'y namulat
mula sa panulat ni Sharon M. Quinsaat
sa Philippine Book Festival ay nabili ko
sa panahong pawang mura ang mga libro
sa animo'y pistang pinuntahan ng tao
di pinalampas ang pagkakataong ito
magkaroon ng librong ito'y pagsuporta
sa awtor na sa email lamang nakilala
at may ginawa akong trabaho sa kanya
noong panahon bago pa magkapandemya
salamat, ako'y taasnoong nagpupugay
sa awtor sa kanyang sinulat na kayhusay
malaking ambag sa makababasang tunay
uukit sa diwa't mga pala-palagay
03.16.2025
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento