PAGPOPROPAGANDA VERSUS SEGURIDAD?
manunulat, makata, kwentista, propagandista
iyan ang buhay ko bilang aktibistang Spartan
paggawa ng dyaryo, ng polyeto't editoryal pa
ginagawa ko ang trabaho't misyon ng lantaran
propagandista'y nagpapalakas ng kalooban
pag di mapakali sa problema't isyu ang masa
pag negatibo ang nasa isip ng kababayan
moral nila'y patataasin ng propagandista
ngunit anang kasama, isipin ang seguridad
tama naman siya, at baka ako'y mapahamak
at huwag ipakilala ang iyong identidad
tama siya, upang ako'y di ilugmok sa lusak
security officer at propagandista'y iba
ng gawain, isa'y itago ang pagkakilanlan
propagandista'y di maiwasang magpakilala
misyon ko'y ipahayag ang adhikain sa bayan
sa tula't dyaryo pa lang, nalantad na ang sarili
ngunit maaari namang nom de plume ang gamitin
ang propagandista'y nagsasalita rin sa rali
na tindig ng manggagawa sa isyu'y sasabihin
ingat din, para sa seguridad nang di ma-redtag
salamat sa inyong payo sa mga tulad namin
datapwat ang bawat salitang ipinahahayag
ay aming misyon, ilantad ang bawat simulain
- gregoriovbituinjr.
03.27.2025
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento