Lunes, Enero 5, 2026

Luhà

LUHÀ

ang kinakain ko'y / mapait na luhà
sapagkat ang sinta'y / kay-agang nawalâ
ang tinatagay ko'y / luhang timbâ-timbâ
na buhay kong ito'y / tila isinumpâ

pasasaan kayâ / ako patutungò
kung yaring sarili'y / tila di mahangò
hinahayaan lang / na ako'y igupò
ng palad at buhay / na di ko mabuô

tanging sa pagkathâ / na lang binubuhos
ang buong panahon / ng makatang kapos
bagamat patuloy / pa rin sa pagkilos
kasama ng masa't / obrerong hikahos

napakatahimik / pa rin nitong gabi
kahit may nakuro / ay walang masabi
nakatitig pa rin / ako sa kisame
habang sa hinagpis / pa rin ay sakbibi

- gregoriovbituinjr.
01.05.2026

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Parang lagi akong nagmamadali

PARANG LAGI AKONG NAGMAMADALI madalas, animo'y nagmamadali na sa bawat araw dapat may tula parang oras na lang ang nalalabi sa buhay ko ...