Biyernes, Setyembre 4, 2026

Nag-iisang tulâ

pinasa sa Liwayway magazine
‎ang iisang tulang nakatha rin
‎‎sana tula'y ilathala nila
kung pasok ‎sa kanilang panlasa
‎bagamat ako'y isa lang dukhâ
sana'y di ibasura ang tulâ
‎sampung pantig bawat taludtod, 
‎may sesurang 5/5
NAG-IISANG TULA
‎ako'y tiyak na mapapaluha,
‎o lulundag nang dahil sa tuwa
‎pag sa Liwayway nabasang sadya
‎at nalathala ang tulang katha
‎nagpasa noong talubata pa
‎noong kaysipag ko pa talaga
‎sulat ng sulat, pasa ng pasa
‎binalewala, walang halaga
‎ngayon, pinasang tula'y isa lang
‎ng abang dukhang di na malaman
‎kung saan yaring patutunguhan:
‎kinabukasan o kamatayan?
‎nang mawalâ ang sintang maybahay
‎pagkat sa sakit ay naparatay
‎nawalan na ring gana sa buhay
‎takipsilim na't walang liwayway
‎ikatutuwa tiyak ni misis
‎pag sa Liwayway ay nagkahugis
‎ang tulang sana ngayo'y di mintis
‎kinatha hanggang dugo'y tumigis
‎ngunit wala na, wala na siya
‎nang sa Liwayway, kanyang mabasa
‎ang iisa kong tulang pinasa't
‎inakda mula sa alaala
‎- gregoriovbituinjr.
‎09.04.2026

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Nag-iisang tulâ

pinasa sa Liwayway magazine ‎ang iisang tulang nakatha rin ‎‎sana tula'y ilathala nila kung pasok ‎sa kanilang panlasa ‎bagamat ako'...