Huwebes, Oktubre 3, 2019

Pagninilay sa alon

dapat akong magsipag upang umayon ang lahat
bakasakaling malutas ang problemang kaybigat
kumikilapsaw man sa diwa ang tabsing sa dagat
babayuhin pa rin ang pinipig nang walang puknat

dapat din akong mag-ingat sa pagsabay sa alon
bakasakaling makuha ko sa patalon-talon
sa pagharap sa buhay, dapat maging mahinahon
maiksi man ang kumot o maiksi ang pantalon

natutong lumaban sa mabangis na kalunsuran
natutong ipaglaban ang pantaong karapatan
nilalabanan ang mapagsamantala't gahaman
balak ay kalusin ang mapang-api sa lipunan

dapat nang organisahin ang inaaping masa
habang isinasapuso ang panawagan nila:
"Sobra na! Tama na! Ibagsak na ang diktadura!"
"Palitan na ang mapang-api't bulok na sistema!"

- gregbituinjr.

Tuyo man at kamatis ang handa sa kaarawan

tuyo man at kamatis ang handa sa kaarawan
ang mahalaga, araw mo'y pinahahalagahan
sintigas man ng bato ang mukhang walang anuman
sa pisngi'y sintapang man ng apog ang kakapalan
araw iyon ng pagdiriwang, dapat masiyahan

handa man sa kaarawan ay tuyo at kamatis
mahalaga'y kumakain ka ng di pa napanis
di baleng walang litson, kaya pa namang magtiis
pag may dumalaw na lamok, dapat iyong mapalis
pag may lisa sa anit, aba'y dapat mong matiris

sa kaarawan man ang handa'y kamatis at tuyo
ang mahalaga, pagmamahal mo'y di naglalaho
tulad ng lawin ay tumingin sa lahat ng dako
baka matanaw mong kayraming pangakong napako
lalo na sa mahal mong dilag na iyong sinuyo

- gregbituinjr.

Miyerkules, Oktubre 2, 2019

Matatanggap mo ba ang tulad kong tibak?

Kaiba ako, tulad ko ba'y matatanggap mo rin?
Aktibista akong may prinsipyadong simulain
Na babaguhin ang sistemang dapat lang kalusin
Na lipunang makatao'y itayo't palawakin

Aba'y ayoko sa sistemang mapagsamantala
Na kayliit ng pagtingin sa manggagawa't masa
Ayoko sa mapang-aping burgesya't elitista
Na di maipagmalaki ang manggagawa nila

Tanong: Kaya mo bang tanggapin ang tulad kong tibak?
Na kumikilos kaharap man ay kanyon at tabak
Na nag-oorganisa pa rin kahit nakayapak
Na masa'y dedepensahan gumapang man sa lusak

Ang tulad kong aktibista'y iyo bang matatanggap
Na makataong lipunan ang hinabing pangarap
Na lalabanan ang mga tiwali't mapagpanggap
Na kaisa ng uring manggagawa't mahihirap

Tanggapin mo ang tulad kong tibak, iba man ako
Na tingin ng marami sa bayan ay nanggugulo
Gayong kami'y naritong may marangal na prinsipyo
Upang pagsasamantala'y mawala na sa mundo

- gregbituinjr.

Sigaw ng mga hayop: "Mga Tao kayo!"

SIGAW NG MGA HAYOP: "MGA TAO KAYO!"

nag-usap ang iba't ibang uring hayop sa pulong
sa pagkasira ng kalikasan, kayraming sumbong:
sabi ng isa: " Di ba dapat progreso'y pasulong?"
tanong pa: "Bakit nangyayari sa mundo'y paurong?"
anila: "Matatalinong tao'y nahan ang dunong?"

kaya kinausap ng mga hayop itong Tao:
"Kayong tao'y mga nilalang na matatalino.
Nasa inyo ang tungkuling alagaan ang mundo.
Bakit n'yo winawasak ang daigdig nating ito?
Ginawang basurahan. Tapon doon, tapon dito!"

"Kinakain ng mga ibon ang inyong kinalat.
Kinakain ng mga isda ang plastik sa dagat.
Namatay yaong balyenang sa basura nabundat.
Sinisira n'yo pati na tahanan naming gubat.
Kung makapagmura kayong 'Hayop!', nagdudumilat!"

"Aba'y nananahimik kaming mga hayop dito.
Pag kayo'y nag-away, sigaw n'yo: 'Mga hayop kayo!'
Pag sinisisi ang kapwa n'yo: 'Mga hayop kayo!'
Di naman kami ang sumisira sa ating mundo!
Dapat sisihin dito'y kayo: 'Mga Tao kayo!"

- gregbituinjr.

Ako'y bahagi ng Generation X, sabi nila

Ako'y bahagi ng Generation X, sabi nila

ako'y bahagi ng Generation X, sabi nila
zodiac sign ay unggoy, horoscope naman ay Libra
isinilang ng Miyerkules, at leap year din pala
kamatayan ni Marcel Duchamp, magaling magpinta
pinaslang din ang mga estudyanteng nagprotesta

kasabay kong isinilang ay marami rin naman
na tulad ko'y nagsikap din sa kanilang larangan
si Angelo Arvisu na kaklase ko sa Letran
si Benjie Paras, artista't sikat sa basketbulan
mayroon ding kasabay mula ibang bansa naman

isa'y si Glen Wesley, coach sa Boston at Carolina
pati ang Czech tennis player na si Jana Novotna
si Mark Crear, Olympic athlete na mula California
si Jeff Martin na mang-aawit mula sa Canada
at si Victoria Derbyshire ng radyo sa Britanya

nawa tulad nila'y makamit ko rin ang tagumpay
kaya pinagsisikapan ko bawat pagninilay
upang makalikha ng mga tulat't akdang alay
sa sambayanang ninanasa'y pag-asa at buhay
ika nga, ang makata'y isang libo't isang panday

- gregbituinjr.
10.02.2019

Martes, Oktubre 1, 2019

Pagtingala sa kisame

lagi na lang akong nakatingala sa kisame
tila binabasa roon ang anumang mensahe
tila pinanood din ang samutsaring insidente
upang makatha ko ang iba't ibang anyo't siste

ang kisame'y binubuo ng may pinturang tabla
may ilaw sa gabi, patay ang ilaw sa umaga
gumagapang na butiki'y tila ba nagtataka
baka umano siya'y aking pinanonood na

minsan, minsan lang naman, sa kisame'y may hiwaga
maraming mangangathang sa kanya'y nakatingala
naghahanap ba sila ng anumang himala
o naghahagilap ng kataka-takang kataga

dapat kathain ang maitutulong sa lipunan
upang mapaginhawa ang buhay ng mamamayan
pagtingala sa kisame'y isang palatandaan
ng palaisip, ng kaisipan, ng kabaliwan

- gregbituinjr.

Tula sa katuga

sasakit din ang tiyan niyang buwitreng katuga
na bisyo'y kumain, lumamon, matulog, gumala
sadya bang tamad ang katuga (kain, tulog, gala)
di man lang tumulong sa nanay na kaawa-awa

marami nang dusa't sakripisyo ang kanyang nanay
upang mapalaki't mapag-aral lang siyang tunay
ngunit anong ginagawa niya, magpahingalay
araw-gabing kain, tulog, gala, lagi nang tambay

masaya na kaya siyang tawaging palamunin
na walang maitulong sa kanyang inang sakitin
sa tulad niya, gobyerno ba'y anong tamang gawin
upang di siya maging katuga't pulubing kanin

kung ikaw ang tinamaan ng pasaring na ito
pasensya dahil nais lang naman kitang matuto
sana'y magising ka na't tulungan mo ang nanay mo
bago pa man mahal mong ina'y mawala sa mundo

- gregbituinjr.

Kapag nagalit ang taumbayan

KAPAG NAGALIT ANG TAUMBAYAN kapag nagalit ang taumbayan sa talamak na katiwalian nangyari sa Indonesia't Nepal sa Pinas nga ba'y mai...