Huwebes, Setyembre 5, 2024

8-anyos, wagi ng 9 na medalya sa swimming

8-ANYOS, WAGI NG 9 NA MEDALYA SA SWIMMING

isang magandang bukas yaong ating matatanaw
sa napakabata pang si Ethan Joseph Parungao
limang gold, tatlong silver, isang bronze, kanyang nakamtan
sa isang paligsahan sa swimming sa Bangkok, Thailand

aba'y nasa edad walo pa lang, siya'y nanalo
karangalan sa bansa ang tagumpay niyang ito
Grade 3 student ng Notre Dame of Greater Manila
na naiuwi sa swimming ang siyam na medalya

ang ating masasabi'y taasnoong pagpupugay
kay Ethan Joseph Parungao, mabuhay ka! Mabuhay!
pangalan niya'y mauukit na sa kasaysayan
bilang bagong dugong atletang dapat alagaan

ipagpatuloy mo, Ethan, ang magandang simula
isa ka sa future sa Olympics ng ating bansa

- gregoriovbituinjr.
09.05.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante, Setyembre 4, 2024, pahina 8

Miyerkules, Setyembre 4, 2024

Tula, tuli, tulo

TULA, TULI, TULO

tula ang tulay ko sa sambayanan
upang sila'y aking mapaglingkuran
tula'y tulay ng puso ko't isipan
sa asam na makataong lipunan

magpapatuli ang aking pamangkin
tama lang at nagbibinata na rin
boses niya'y nag-iba na pag dinggin
tila makata rin pag pabigkasin

nagbagyo, atip ay maraming tulo
ang suportang kahoy na'y nagagato
buti't kisame'y di pa gumuguho
bumabaon sa dibdib ang siphayo

minsan, salita'y nilalarong pilit
buti't dila'y di nagkakapilipit

- gregoriovbituinjr.
09.04.2024

* litrato mula sa app game na Zen word level 308 at level 522

Martes, Setyembre 3, 2024

Paglalakad sa ulan

PAGLALAKAD SA ULAN

naglakad kaming mag-asawa
sa maulan, basang kalsada
sinariwa ang alaala
kung paano naging magsinta

siya'y nakilala sa forum
ng kalikasan at paglaon
ay sinagot, bagyo pa noon
na alaala ng kahapon

maalab ang pagtitinginan
hanggang kami'y magkatuluyan
ngayon, naglalakad na naman
matapos ang bagyong nagdaan

hakbang-hakbang, kanan, kaliwa
buti na lang, wala nang baha
gaano mang katinding sigwa
pagsasama'y matibay sadya

- gregoriovbituinjr.
09.03.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/umUpBZneQd/ 

Pananghaliang tira sa isda

PANANGHALIANG TIRA SA ISDA

pananghaliang tira sa isda
ang kinain ng aming alaga
tinik, buntot, ulo at hasang man
ang mahalaga siya'y nabigyan

alam niyang manghingi sa amin
ngingiyaw lamang at maglalambing
kaya pagkatapos kong kumain
siya naman ang pakakainin

ganyan sa alaga, kapamilya
di nagpapabaya sa tuwina
di kinukulong, malaya siya
magtungo sa bahay o kalsada

madalas ko rin siyang ibidyo
kaya sa kanya'y maraming kwento
na nasubaybayan kong totoo
baka buhay niya'y masulat ko

- gregoriovbituinjr.
09.03.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/umYxNJKA85/ 

Lunes, Setyembre 2, 2024

Edgar Jopson

EDGAR JOPSON
(Setyembre 1, 1948 - Setyembre 21, 1982)

matanda si Dad ng pitong taon kay Edjop
trese anyos ako nang mapatay si Edjop
pareho kaming taga-Sampaloc, Maynila
napakabata ko noong siya'y mawala
anang ulat, siya'y binaril nang tumugis
ang kasama niya'y nakawalang mabilis

bata pa lang ay alam ko na iyang Jopson
di si Edjop, kundi groserya nila noon
minsan, sa Jopson supermarket sa Bustillos
kami ni ama namimili pagkatapos
naming magtungo sa simbahan ng Loreto
panahong nasa elementarya pa ako

tulad ni Edjop, ako'y naging aktibista
na animo'y sumusunod sa yapak niya
gawain ko'y magsulat, bumanat, magmulat
makauring prinsipyo'y ikalat sa lahat

Edgar Jopson, taaskamaong pagpupugay
dapat pangarap nati'y maipagtagumpay
asam na lipunang makatao'y matayo
at sa ipinaglalaban ay di susuko

- gregoriovbituinjr.
09.02.2024

* ang litrato ay selfie ng makatang gala sa loob ng Bantayog ng mga Bayani, ilang taon na ang nakararaan

Ang natutunan ni Efren "Bata" Reyes kay Chiquito

ANG NATUTUNAN NI EFREN "BATA" REYES KAY CHIQUITO

magaling din palang magbilyar si Chiquito
at sa panonood lang sa kanya ni Efren
ng bilyar ay maraming natutunan ito
kung kaya si Efren ay talagang gumaling

sa panonood lang kung paano tumumbok,
magpasunod ng bola, magpaatras, pektus
hanggang marating ni Efren Reyes ang tuktok
ng tagumpay, sa bilyar ay dakilang lubos

obserbasyon lang, di aktwal na tinuruan
ni Chiquito na magaling na komedyante
sa panonood lang sa kanya natutunan
ni Efren Reyes ang marami pang diskarte

mabuhay ka, Chiquito; mabuhay ka, Efren
sa kulturang Pinoy nga'y tunay kayong moog 
salamat, Chiquito, kami'y pinatawa rin
sa mga pelikula mo, tunay kang kalog

salamat, Efren, taospusong pagpupugay
mabuhay ka sa mga ambag mo sa bansa
sa internasyunal, nakilala kang tunay
kahit matanda na, ikaw pa rin si Bata

- gregoriovbituinjr.
09.02.2024

* mula sa reel ng "looban billiards" facebook page na mapapanood sa kawing na: 

Linggo, Setyembre 1, 2024

Ang mithi

ANG MITHI

nais kong mamatay na pulahan, ginoo
isa iyang adhikaing tinataglay ko
tibak na nagsisilbi sa dukha't obrero
tibak na nagtataguyod ng sosyalismo

pinag-aralan ko't yakap ang simulain
ng mga bayani sa kasaysayan natin
patuloy kong tutuparin ang adhikain
upang lipunang pangarap ay ating kamtin

itanim natin sa matabang lupa'y binhi
ng rebolusyon laban sa sistemang ngiwi
na nagdulot ng pagkaapi't pagkasawi
ng mga nakikibaka para sa uri

ang buhay at panahon natin na'y ginugol
laban sa sistemang kaybulok at masahol
kaya sa pagsasamantala tayo'y tutol
ating mga kauri'y dapat ipagtanggol

- gregoriovbituinjr.
09.01.2024

* litrato mula sa app game na Zen Word

Kapag nagalit ang taumbayan

KAPAG NAGALIT ANG TAUMBAYAN kapag nagalit ang taumbayan sa talamak na katiwalian nangyari sa Indonesia't Nepal sa Pinas nga ba'y mai...