Lunes, Setyembre 16, 2019

May mga bangkang papel ako ngayong bumabagyo

may mga bangkang papel ako ngayong bumabagyo
bangkang papel na pawang liham sa ating gobyerno
mga mensahe hinggil sa karapatang pantao
para sa hustisya, may paglilitis at proseso

sa kanal at ilog inilagay ang bangkang papel
bakasakaling makarating sa sinumang sutil
nananawagang mga pandarahas ay itigil
at panonokhang sa mga inosente'y mapigil

nawa'y mabasa ninyo ang mensaheng nakasulat
sa mga bangkang papel na may isinisiwalat
mensahe sa taumbayang dapat silang mamulat
at kumilos para sa hustisya para sa lahat

simpleng bangkang papel na payak ang pagkakagawa
subalit handa sa pagharap sa maraming sigwa
bangkang papel na di sana tumirik sa simula
gaano man kahirap ay marating din ang sadya

- gregbituinjr.

Nakikita mo ba ang puso kong nahihirapan

Nakikita mo ba ang puso kong nahihirapan
Gumigiti sa noo ang pawisang karanasan
Ikaw ang mutyang sa puso'y nakikipagsiksikan
Tinutulak ng dibdib ang iwi kong karukhaan
Itinitirintas sa puso ang iyong larawan

Nawa ang danasin ko'y di pawang paghihinagpis
Akong nagmamahal sa iyo'y laging nagtitiis
Muli sana kitang makitang may ngiting kaytamis
At tititigan ka upang sa diwa'y di maalis
Ngiti mong kayganda'y makintal sa puso kong hapis

Dahil sa ngiti mo, ginhawa'y mararamdaman ko
Ikaw ang minumutyang sa buhay ko'y magbabago
Yamang iniibig kita, ako'y nagsusumamo
Ako'y iyong muling hagkan, at magniig tayo
Ngiti naman diyan, at magagalak ang puso ko

- gregbituinjr.

Linggo, Setyembre 15, 2019

Karumal-dumal na krimen ng pamahalaan

karumal-dumal na krimen ng gobyerno ang tokhang
proseso'y binabalewala, basta pumapaslang
ng walang awa, mga berdugo'y may pusong halang
para raw sa kapayapaan, tao'y nililinlang
ang totoo, tokhang ay naging tokbang: tok-tok, bang! bang!

tokhang ang karumal-dumal na krimen ng gobyerno
papaslang ng walang paglilitis, walang proseso
ang inatasang pumaslang ay sadya bang berdugo?
wala bang pakiramdam sa kanilang kapwa tao?
wala bang pakialam sa wawaksang buhay nito?

ngunit kung gobyerno'y may karumal-dumal na krimen
sino kayang makapipigil sa mga salarin?
sinong mga dapat kasuhan, anong dapat gawin?
hustisya sa mga biktima'y paano kakamtin?
mga krimeng ito'y hahayaan na lang ba natin?

ang masa bang pumapalakpak sa gobyerno'y hangal?
magulang ng batang pinaslang ay natitigagal!
kanino hihingi ng hustisya, saan aangal?
ah, mabuti pang anak mo'y kusang nagpatiwakal
kaysa pinaslang sa pamaraang karumal-dumal!

- gregbituinjr.

Ang Tatlong B

may tatlong B na kandidato sa pagkasenador
ang nanalo't sa senado ngayon ay nagmomotor
parang eksena sa pelikula, may aksyon, horror
na animo'y sa maraming taliwas pumapabor

sila ba ang tatlong B na kapara'y tatlong bibi
na sa mga maling polisiya nabibighani
na sa isyung karapatang pantao'y nabibingi
na sa usaping hustisya sa masa'y napipipi

ayos lang sa kanila ang magkaroon ng tokhang
na parang manok ang buhay, binabaril ng halang
walang proseso, walang paglilitis, pumapaslang
sa nagkalat ngang bangkay ay mapapatiimbagang

sa tatlong senador B, ito pa ba'y balewala
mga namatayang ina'y patuloy sa pagluha
sina Bunggo, Bato't Bodots ba'y anong ginagawa
upang krimeng pagtotokhang ay tuluyang mawala

- gregbituinjr.

Sabado, Setyembre 14, 2019

Pagpupugay sa ika-26 anibersaryo ng BMP

taas-kamaong pagpupugay sa anibersaryo
ng ating Bukluran ng Manggagawang Pilipino
o BMP - samahan ng sosyalistang obrero
na itinataguyod ang kapakanan ng tao

mabuhay kayo! mga kasama ko sa BMP
halina't sa obrero'y patuloy tayong magsilbi

magpalakas pa tayo't tiyaking nagkakaisa
ang mga manggagawa sa bawat pakikibaka
tungo sa adhikaing pagbabago ng sistema
at pagtatayo natin ng lipunang sosyalista

mga kasama sa BMP, mabuhay! mabuhay!
kapitbisig hanggang laban ay maipagtagumpay!

ito mang dagat ng pakikibaka'y anong lalim
may natatanaw na pag-asa kahit naninindim
ang BMP ang liwanag sa pusikit na dilim
sa matinding sikat ng araw ay punong malilim

- gregbituinjr.

Sa mga tulad naming tibak, bawal magkasakit

sa mga tulad naming tibak, bawal magkasakit
lalo't ang bulok na lipunang ito'y anong lupit
sa disiplina sa katawan ay dapat mahigpit
tiyaking maayos na kalusugan ay makamit

halina't kumain ng gulay na nagpapalakas
ng katawan, ng kalamnan, sa tuhod pampatigas
huwag sobrang karne't mamantika, laging maghugas
ng kamay kung kakain, at balatan din ang prutas

dapat magpalakas ang tibak at maging malusog
lalo't ipinaglalabang pangarap ay kaytayog
huwag magpuyat, tiyaking walong oras ang tulog
sapat ang kain, huwag masyadong magpakabusog

ang kalusugan sa pakikibaka'y mahalaga
kaya di dapat nagkakasakit ang aktibista
kung sakaling magkasakit, dapat tulungan sila
dahil sila'y ating kasama sa pakikibaka

- gregbituinjr.

Biyernes, Setyembre 13, 2019

O, kayrami nang namatay laban sa pagmimina

O, kayrami nang namatay laban sa pagmimina
kamatayan nila'y di dapat hanggang alaala
dapat makamit ng mga biktima ang hustisya
pagmimina'y itigil na, alang-alang sa masa

"Tao Muna, Hindi Mina!" Ito ang panawagan
pagkat patuloy ang pagkawasak ng kalikasan
patuloy ang pagbalahura sa kapaligiran
dapat lang makibaka ang masa ng sambayanan

tuligsain ang mga dambuhalang korporasyon
ng pagmiminang sumisira sa bukas ng nasyon
tiyaking katutubo'y mamumulat at babangon
nang ipagtanggol ang lupang ninuno nila ngayon

sa tubo sa mina, kapitalista'y nanggigigil
na tuwang-tuwang lalaki ang tiyan nila't bilbil
ngunit mapanirang pagmimina'y dapat matigil
at korporasyon ng pagmimina'y dapat masupil

- gregbituinjr.
* nilikha at binigkas ng makata sa rali ng mga estudyante sa harap ng tulay ng Mendiola, kasama ang PUP SPEAK at Alyansa Tigil Mina (ATM), umaga ng Setyembre 13, 2019, araw ng Biyernes

Kapag nagalit ang taumbayan

KAPAG NAGALIT ANG TAUMBAYAN kapag nagalit ang taumbayan sa talamak na katiwalian nangyari sa Indonesia't Nepal sa Pinas nga ba'y mai...