Sabado, Marso 19, 2022

Upuan

UPUAN

napaupo ako sa upuan
napahiga ako sa higaan
napatayo ako sa tayuan
o kaya naman ay sa Tayuman

madalas nakakaupo sa dyip
lalo't barya lang ang halukipkip
madalas din doong managinip
kasama ang mutyang nasa isip

pinta sa upuan ay masdan mo
obra maestrang kayhusay, ano?
di basta matibag ng delubyo
pintang tila likha ng maestro

una ang kabayo sa kalesa
di ba? kaya di kalesa muna
dapat unawa itong talaga
lalo sa paggawa ng taktika

uupo tayo sa mga pulong
ng may kahandaan ng marunong
upang di tayo basta uurong
kung alam nating kayang sumulong

- gregoriovbituinjr.
03.19.2022

Minsan

MINSAN

minsan, ūkailangan ding mamasyal
sa panahong nakatitigagal
maglakad-lakad hanggang magpagal
o mag-jogging kahit hinihingal

minsan, nakatitig sa kisame
nag-iisip ng mga diskarte
upang malabanan ang salbahe
o kaya'y mga trapong buwitre

minsan, matutulog ka ng dilat
at bigla kang maalimpungat
masabing sana'y nakapagmulat
ng kapwa dukhang nakamulagat

minsan, pag dama'y walang magawa
nagninilay ng mahaba-haba
doon sa langit nakatulala
makakakatha na maya-maya

tulad ng paminsan-minsang kaba
na anumang sigwa'y kinakaya
kaharap man ang banta ng bala
nang kamtin ang asam na hustisya

- gregoriovbituinjr.
03.19.2022

Biyernes, Marso 18, 2022

Istiker sa motor

ISTIKER SA MOTOR

nakakatuwa ngang talaga
ang motorsiklo ng kasama
nagbigay-pagpapahalaga
sa mga pambáto ng masa

may istiker ni Ka Leody
na si Ka Walden ang katabi
P.L.M. partylist, malaki
na ang numero ay wan-tu-tri

kung mabasa ng masa ito
habang dala ang motorsiklo
malalamang lider-obrero'y
kumakandidatong Pangulo

sa kasama, pasasalamat
ikaw ay nakapagmumulat
bagamat laban ay mabigat
ay may nagagawa kang sukat

sa madla'y naipaparating
ang kandidatong magigiting
sina Ka Leody't Ka Walden
sana'y maipanalo natin

- gregoriovbituinjr.
03.18.2022

Upos

UPOS

napakasimple lamang ng paskil
ngunit, datapwat, nakagigigil
na pinagtatapunan ng sutil
ng upos ang halaman, suwail

huwag naman ninyong pagtapunan
ng upos ang nariyang halaman
di naman iyan dapat paglagyan
ng upos n'yo't gawing basurahan

paalala lang sa hitit-buga
mga upos n'yo'y ibulsa muna
na balat ng kendi ang kagaya
pakiusap lang itong talaga

ashtray o titisan ay ilagay
mas mabuti ang ganitong pakay
pag may titisan ay naninilay
upos ay doon lamang ilagay

nagpapasalamat kaming taos
kung may titisang naisaayos
kung doon itatapon ang upos
may nagawa tayong tama't lubos

- gregoriovbituinjr.
03.18.2022

Save Diliman Creek

SAVE DILIMAN CREEK

pinta sa pader: Save Diliman Creek
alamin natin ang natititik
sapa bang ito'y hitik na hitik
sa dumi, upos, basura't plastik

nadaanan ko lang naman ito
at agad kinunan ng litrato
upang maipaalam sa tao
na may problema palang ganito

paalala na iyon sa bayan
panawagang dapat lang pakinggan
tungong "Malinis na Katubigan"
pati "Luntiang Kapaligiran"

pakinggan mo ang kanilang hibik
anong gagawin sa Diliman Creek?
tanggalan na ng basura't plastik!
ang sapang ito'y sagiping lintik

"Save Diliman Creek" ay ating dinggin
sapagkat kaytinding suliranin
magsama-samang ito'y sagipin
dapat linisin, ang wasto'y gawin

sana naman ay dinggin ng madla
maging ng pamahalaan kaya
ang ganitong problema sa bansa
upang masolusyunan ng tama

- gregoriovbituinjr.
03.18.2022

Victory sign

VICTORY SIGN

naka-Victory sign na siya
sa loob ng sinakyan niya
magtatagumpay ba talaga
oo, at ating kinakaya

basta tayo'y tuloy ang laban
kaya sa halalan tandaan
ngalang Ka Leody de Guzman
para Pangulo nitong bayan

sa pagka-Bise'y Walden Bello
Senador Luke Espiritu
Senador David D'Angelo
at Senador Roy Cabonegro

VIctory sign, magandang tanda
upang kumilos tayong sadya
sa tindig, prinsipyo't adhika
para sa dukha't manggagawa

pasalamat sa mamang iyon
sa pagbibigay-inspirasyon
dahil isang malaking hamon
ang tagumpay na nilalayon

mabuhay kayong kumikilos
upang maipanalong lubos
ang mga pambatong tatapos
sa sistemang kalunos-lunos

sistemang bulok ay baguhin
sistema ng trapo'y durugin
ang tatsulok ay baligtarin
kandidato'y papanalunin

ang misyon: Manggagawa Naman
asam: pagbabago sa bayan
mithi: makataong lipunan
pangulo: Leody de Guzman

- gregoriovbituinjr.
03.18.2022

* litratong kuha ng makatang gala noong Araw ng Kababaihan

Huwebes, Marso 17, 2022

Ngiti

NGITI

nakakahawa ang iyong ngiti
sasaya kahit may dalamhati
nakakaakit ang bawat ngiti
na sa puso ko'y nananatili

nakakahawa kahit pandemya
ang ngiti mong may buong pagsinta
ako'y napapangiting talaga
binabalik ang ngiting halina

sa ngiti, nabubuhay ang mundo
lumilinaw kahit ang malabo
pagsinta'y tiyak di maglalaho
kung may halina't ngiti sa puso

ngiti mo'y talulot ng bulaklak
lalo't dinggin ang iyong halakhak
pumapagaspas, puso'y may galak
at may ginagapas sa pinitak

sana pagngiti'y di ipagdamot
pangit ang laging nakasimangot
sa ngiti'y nawawala ang lungkot
pasensya sa aking mga hugot

- gregoriovbituinjr.
03.17.2022

Kapag nagalit ang taumbayan

KAPAG NAGALIT ANG TAUMBAYAN kapag nagalit ang taumbayan sa talamak na katiwalian nangyari sa Indonesia't Nepal sa Pinas nga ba'y mai...