Linggo, Disyembre 15, 2024

Mga korte ng limang piso

MGA KORTE NG LIMANG PISO

dumudukot ako ng baryang pamasahe
at tatlong limang piso'y nakuha ko rine
na agad napansin kong iba-ibang korte

tatlong magkaiba ang limang pisong iyon
dalawa'y bilog, magkaibang kulay niyon
habang isa'y siyam ang gilid o nonagon

may pambili na ako ng saging na saba
pag pinambayad ko sa dyip ang tatlong barya
aba, ako'y may dalawang pisong sukli pa

iba-iba mang korte'y mahalagang sadya
sa komersyo't palitang-kalakal ng madla
pambili ninuman kahit pa ika'y dukha

nasa bagong limang piso ba'y kilala mo?
ang bayaning nakaukit sa limang piso
ay ang magiting na Gat Andres Bonifacio

- gregoriovbituinjr.
12.15.2024

Okra dyus

OKRA DYUS

naglaga ako ng okra
bente pesos ang halaga
dalawang tali lang naman
na sampung okra ang laman

sabi'y tunggain ko lang daw
ang pinaglagaang sabaw
inumin iyong parang dyus
nang lumusog akong lubos

inilagay ko sa baso
sa sang-iglap tinungga ko
anong bilis kong nilunok
sinaid sa isang lagok

naisip kong tamang landas
katawan ay mapalakas
okra naman ay inulam
ko kaninang mag-agahan

- gregoriovbituinjr.
12.15.2024

Sabado, Disyembre 14, 2024

Huli nga ba sa balita?

HULI NGA BA SA BALITA?

magkaibang petsa ngunit isang balita
sa magkaibang pahayagan nalathala
masasabi bang isa'y huli sa balita?
o inulit lang ang ulat na nalathala?

sa pahayagang Bulgar, Disyembre a-trese
sa dyaryong Sagad naman, Disyembre katorse
hinggil sa aksidente sa Boy Scout Jamboree
headline iyon sa dalawang dyaryong nasabi

pinaksa'y Boy Scouts na nakuryente't namatay
tent ay sumabit sa live wire na nakalaylay
mga balitang gayon ay nakalulumbay
na disgrasya'y dumatal sa kanilang tunay

kung balita'y pakasusuriin mong sukat
kulang sa detalye ang unang naiulat
mga biktima'y walang pangalang nasulat
sa ikalawa, may detalyeng makakatkat

ulat sa Sagad ay di pa huling totoo
kung inulat ay madetalye't sigurado
kung baga, inapdeyt at follow-up sa kaso
na maaari ring serye kung titingnan mo

- gregoriovbituinjr.
12.14.2024

* ulat mula sa pahayagang Sagad, Disyembre 14, 2024, p.1 at 2; ulat mula sa pahayagang Bulgar, Disyembre 13, 2024, p.1 at 2

Tsaang oregano

TSAANG OREGANO 

lumago na ang tanim ni misis na oregano
kung saan dahon naman niyon ay pinipitas ko
upang sa takure ay pakuluan ngang totoo

at kapag maligamgam na'y saka ko iinumin
na parang tsaa, pampalusog sa katawan man din
ah, kalusugan, aba'y dapat ka naming isipin

tsaa itong maraming benepisyo sa katawan
buti't naisipan ni misis na itanim iyan
siyang tunay, kaylalago na nila sa bakuran

sa mga saliksik, pang-alis ng toxic substances,
panlaban daw sa implamasyon, hika, diabetes,
pagbuburis, bakterya, cancer at iba pang istres

kaya tsaang oregano ay dagdag sa arsenal
ng kalusugan matapos lumabas ng ospital
pandagdag lakas, upang di rin agad hinihingal

kaya ngayon, sa tsaang ito ako  na'y masugid
na tagapagtaguyod lalo't may tanim sa gilid
tara nang magtsaang oregano, mga kapatid

- gregoriovbituinjr.
12.14.2024

* buris - nagtutubig na tae

Biyernes, Disyembre 13, 2024

Tatlong Boy Scouts, nakuryente, patay

TATLONG BOY SCOUTS, NAKURYENTE, PATAY

ang sinapit ng tatlong Boy Scouts ay kaytindi
nang sila'y mamatay dahil daw nakuryente
anang ulat, nangyari sa Zamboanga City
sa nagaganap doong Citywide Jamboree

labinlimang Boy Scouts ang nilipat umano
ang tent nila nang metal na bahagi nito
ay sumabit sa live wire, disgrasyang totoo
na ikinamatay ng nabanggit na tatlo

dumaloy sa katawan ng mga biktima
ang lakas ng boltahe, kaybata pa nila
upang madisgrasya sa nasabing sakuna
Jamboree'y kinansela dahil sa trahedya

pangyayaring ito'y sadyang nakalulungkot?
sa trahedyang naganap ba'y may mananagot?
panahon lang ba ang dito'y makagagamot?
upang trahedyang ito'y tuluyang malimot?

di ba't tinuturo sa Boy Scouts ang survival?
at dapat ay handa sa anumang daratal?
pakikiramay ang tangi kong mauusal
sa kanilang pamilya't mga nagmamahal

- gregoriovbituinjr.
12.13.2024

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Disyembre 13, 2024, headline at pahina 2

Miyerkules, Disyembre 11, 2024

Pagdatal sa tahanan

PAGDATAL SA TAHANAN

pang-apatnapu't siyam na araw, higit sambuwan
mula sa ospital, umuwi kami ng tahanan
alas-onse y medya kagabi kami dumating
upang si misis sa kanyang sakit ay magpagaling

pagdating, sinalubong agad kami ni alaga
tila batid niyang parating kami't tuwang tuwa
salamat kay alagang pusa at walang mabait
na sa aming tahanan ay naninira ng gamit

salamat din sa maraming kasama't kaibigan
na tumulong sa amin sa oras ng kagipitan
tanda ko ang araw na iyong araw na sagrado
Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao

salamat at sa tahanan ay muling nakabalik
at makata'y nakatulang walang patumpik-tumpik
ay, nakakapagod din ang sandaling paglalakbay
mabuti't nakauwi kaming loob ay palagay

- gregoriovbituinjr.
12.11.2024

* bidyo kuha ng makatang gala ng gabi ng Disyembre 10, 2024, 11:37 pm
* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na: https://fb.watch/wqePxLeyPD/ 

Martes, Disyembre 10, 2024

Huling gabi na sa ospital

HULING GABI NA SA OSPITAL

pang-apatnapu't siyam na gabi
sa ospital, narito pa kami
huling gabi na ito, ay, huli
salamat at uuwi na kami

nawa dito'y di kami bumalik
ni misis, sa bahay na'y pumanhik
paggaling niya'y tangi kong hibik
na sa tula'y aking itititik

tapos na ang apatnapu't siyam
na araw at gabi sa ospital
hibik ko'y tuluyan nang maparam
ang iniinda niyang kaytagal

masasabi ko'y pasasalamat
sa nagsitulong, sa lahat-lahat
nangyaring ito'y nakapagmulat
sa aking kayraming nadalumat

- gregoriovbituinjr.
12.10.2024

Kapag nagalit ang taumbayan

KAPAG NAGALIT ANG TAUMBAYAN kapag nagalit ang taumbayan sa talamak na katiwalian nangyari sa Indonesia't Nepal sa Pinas nga ba'y mai...