Biyernes, Oktubre 4, 2019

Awiting pampamanhid

Oktubre pa lang ngunit pinatutugtog na naman
Ang mga pampamanhid sa kaluluwa ng tanan
Malapit na raw kasi ang araw ng kapaskuhan
Di pa man nag-uundas, tayo raw ay magbigayan
Habang may pagsasamantala pa rin sa lipunan!

Awiting pampamanhid upang mapukaw ang masa
Upang problema'y makalimutang pansamantala
Upang makahiram ng pansamantalang ligaya
Paalalang mag-ipon ng pangregalo sa sinta
Awitin ng komersyalismo upang makabenta

Kahit kapakuhan, may pagsasamantala pa rin
Pampamanhid lamang ang panahong iyon sa atin
Ang pribadong pag-aaring sanhi ng hirap natin
Ay nariyan pa't obrero't dukha'y mahirap pa rin
Sanhi ng hirap na ito'y dapat nating wasakin

Pag kapaskuhan, tigil-putukan ang lupa't tuktok
Matapos ang pasko'y banatan na naman sa bundok
Di pa rin malutas ang sanhi ng dusa't himutok
Hangga't may pribadong pag-aaring sanhi ng lugmok
Ang pribadong pag-aaring sinasamba ng ugok!

Oktubre pa lang, awiting pampamanhid na'y hatid
Magmahalan daw tayo't magturingang magkapatid
Habang patuloy ang tokhang, buhay ay pinapatid
Habang pribadong pag-aari'y sandata ng ganid
Habang kapwa'y pinapaslang, sa lagim binubulid.

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tampipì

TAMPIPÌ sa krosword ko lang muling nakita ang salitang kaytagal nawalâ sa aking isip ngunit kayganda upang maisama sa pagtulâ labimpito paha...