Martes, Hunyo 30, 2020

Walang perang ambag

umaga, magwawalis, maglilinis, maglampaso
maggagayat, magluluto, magsaing, kusinero
maggagamas, magtanim, magdidilig, hardinero
magsabon, kusot, banlaw, piga, sampay, labandero

wala kasing maipambayad sa kuryente't tubig
walang pambili ng ulam at bigas na pansaing
wala kasing pera kaya mahirap magmagaling
wala ring diskarte upang may perang kumalansing

walang perang ambag kaya dama lagi'y mabigat
dama sa mundong ito'y isa lang akong pabigat
dapat magkatrabahong may sweldong ambag kong sukat
sa pamilya nang bayarin ay mabayarang lahat

aanhin ba ang buhay na umiikot sa pera
ni hindi ko sila mabigyan ng kaunting grasya
itong sentido ko kaya'y lagyan ng isang bala
at bakasakaling madama ang asam na saya

- gregbituinjr.

Wala kasing kita

wala kasi akong kita kaya utus-utusan
kulang na lang yata ako'y maging kutus-kutusan
wala bang kwentang tao, propagandista pa naman
sa kuryente't tubig, walang ambag, di mabayaran

pag tibak ba'y di basta tinatanggap sa trabaho?
pagkat pinagtatrabahuhan ay baka gumulo?
dahil ba may alam sa karapatan ng obrero?
dahil ba ikamo'y baka magkaunyon pa rito?

nais ko lang naman ay magkatrabahong may sahod
upang di magutom ang pamilya't maitaguyod
nais nilang tahimik na lang ako't nakatanghod
sa pinagagawa nila'y bulag na tagasunod

kung may problema sa pagawaan, alangan namang
tatanga-tanga lang ako't magbubulag-bulagan
nais kong may silbi pa rin sa kapwa't sambayanan
lalo sa aking kamanggagawa sa pagawaan

- gregbituinjr.

Lunes, Hunyo 29, 2020

Talbos ng kamote muli ang ulam

ano bang iuulam, mamitas muli ng talbos
ng kamote upang kainin, tayo'y makaraos
ngayong lockdown, walang trabahong kikita kang lubos
sa bahay lang nang makaiwas sa coronavirus

kada tatlo o apat na araw lang mamimitas
mahirap mapurga sa talbos, baka ka mamanas
gayunman, mabuting may napipitas pa sa labas
upang pantawid-gutom, baka sa sakit pa'y lunas

haluan ng sibuyas at bawang, igisa iyon
o kaya'y isahog ko sa nudels o pansit kanton
habang kumakain, talbos ay isipin mong litson
isawsaw pa sa bagoong, lalakas kang lumamon

buhay na'y ganito sa panahon ng kwarantina
walang trabaho, walang kita, tiis-tiis muna
dahil sa COVID-19, bagsak din ang ekonomya
di alam kung hanggang kailan ito tatagal pa

- gregbituinjr.

Bawal na ang beso-beso

bawal na ang beso-beso kahit makipagkamay
'distancia amigo' kahit sa kaibigang tunay
tunay ngang ang coronavirus ay nagpahiwalay
sa atin bilang mga taong magkaugnay-ugnay

pisikal na ugnayan ay apektadong talaga
kakain kayong restawran, tigisa kayong mesa
sa dyip, ang pagitan ng pasahero'y may plastik na
marami na ring 'No Mask, No Entry' na karatula

hiwa-hiwalay, indibidwalismo'y tumitindi
bihira nang  mag-usap kahit sa iyong katabi
gamitin mo ang selpon kung mayroong sinasabi
ganyan nga ba sa bagong normal, di ka mapakali?

mabuti pa rin ba ito sa ating kalusugan?
upang coronavirus ay tuluyang maiwasan?
ganyan ba hangga't lunas ay di pa natutuklasan?
hiwa-hiwalay na't parang walang pinagsamahan?

- gregbituinjr.

Linggo, Hunyo 28, 2020

Ang manipesto ng proletaryado

Ang manipesto ng proletaryado

magandang pagnilayan natin bawat sinasabi
ng isang manipestong sa atin ay kakandili
halina't basahin ito't unawaing maigi
kasulatan itong dapat nating ipagmalaki

pagnilayan natin ang apat nitong kabanata
ipinaliwanag ang lipunan, anong adhika
bakit may pinagsasamantalahan at kawawa?
bakit may mapagsamantala't nang-aping kuhila?

bakit pantay sa lipunang primitibo komunal?
bakit may lipunang aliping ang tao'y animal?
bakit ang magsasaka'y api sa lipunang pyudal?
bakit obrero'y alipin sa lipunang kapital?

bakit tinuring na ang kasaysayan ng lipunan
ay kasaysayan din ng makauring tunggalian?
bakit sistemang kapitalismo'y dapat palitan?
at ang uring manggagawa'y magkaisang tuluyan?

ang panawagan sa dulo ng aklat ay alamin
bakit uring manggagawa'y dapat pagkaisahin?
wala raw mawawala sa manggagawa, basahin
natin, kundi ang tanikala ng pagkaalipin

matapos mabasa ito'y magtalakayan tayo
naunawa mo ba ang papel ng proletaryado?
bakit papalitan ang sistemang kapitalismo?
anong lipunang ipapalit ng uring obrero?

- gregbituinjr.
06.28.2020

Sabado, Hunyo 27, 2020

May pilay na ang isang sisiw


paika-ika na ang sisiw na kusang umuwi
tumambay na lang sa kulungan, tila nangingiwi
marahil dahil sa pilay na nadarama'y hapdi
sana'y di malala ang kanyang paa't walang bali

naglilimayon na sila sa labas ng kulungan
gayong mga sisiw silang wala pang isang buwan
sa unang araw ng Hulyo'y kanilang kaarawan
sana'y magsilaki silang malusog ang katawan

gumagala sa umaga, sa gabi'y kinukulong
ang labing-isang sisiw na tumutuka ng tutong
kasama ang inahing sa kanila'y kumakanlong
pagkahig at pagtuka nga sisiw na'y marurunong

sa napilayan sana'y walang mangyaring masama
kumain ng kumain nang gumaling at sumigla
sa pilay na sisiw, inahin ang mag-aalaga
at sana ang kanyang pilay ay tuluyang mawala

pagmasdan mo ang ibang sisiw at nakakaaliw
subalit kaylungkot pagmasdan ng pilay na sisiw
tila ako'y kanyang amang sa anak gumigiliw
pagkat alaga siyang sa puso'y di nagmamaliw

- gregbituinjr.
06.27.2020

Pagtitiim-bagang

sa tuwina'y nakatunganga lang sa kalangitan
nakatitig di na sa langit kundi sa kawalan
kung anu-ano na ang naglalaro sa isipan
lalo't tatlong buwan nang nakapiit sa tahanan

mabuti't may ilang anunsyong mag-ambag ng tula
hinggil ssa lockdown ay magkwento't magbigay ng katha
sa iba nama'y nag-ambag ng sanaysay kong likha
ipinasa bago ang huling petsang itinakda

kahit di naman karpintero, ako'y nagpanday din
at nakagawa ng kulungan para sa inahin
at sa kanyang labing-isang sisiw na alagain
nakapagpanday man ay marami pang dapat gawin

tatlong buwang nakakulong, buti't di nabubuwang
tila sa pag-alis ng lockdown laging nakaabang
laksang naburda sa isipan ay maraming patlang
sa panahong itong laging napapatiim-bagang

- gregbituinjr.

Biyernes, Hunyo 26, 2020

Tanaga sa hikahos

sadyang kalunos-lunos
ang buhay ng hikahos
di malabanang lubos
ang sakit na gumapos

paano ang pantustos
pag may coronavirus
walang kita't panggastos
tila di makaraos

sa lockdown na'y kawawa
lalo't nadama'y putla
sitwasyong di humupa
sana'y di na lumala

mahirap maging dukha
lalo't nadama'y putla
ng tulad kong dalita
pagkat lunas pa'y wala

bawal nang magkasakit
ang mga nagigipit
sitwasyong anong lupit
pag sakit na'y kumapit

bawal na ring humalik
at bumahin ng sabik
coronavirus, hasik
parang koronang tinik

pamilya'y alagaan
at inyong kalusugan
bayan na'y magtulungan
tayo'y magbayanihan

ayokong mapahamak
ang aking mga anak
buhay mang ito'y payak
di gagapang sa lusak

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 16-30, 2020, pahina 20.

Noon, No I.D., No Entry; Ngayon, No Mask, No Entry

noon, sulat sa pintuan ay No I.D., No Entry
ngayon, iba na ang nakasulat: No Mask, No Entry
ganito ang bagong normal, huwag mong isantabi
umayon sa pagbabago kahit di mapakali

noon, pag naka-facemask, sinisita na ng parak
pagkat baka holdaper yaong may masamang balak
ang masa'y natatakot pagkat baka mapahamak
ngayon na'y baligtad, hinuhuli ang walang facemask

malaki ang tubo ng pabrika ng facemask ngayon
kaya tuwang-tuwa ang mga negosyanteng iyon
bili na ng facemask, gaano man kamahal yaon
upang sa bahing at sakit ay makaiwas doon

kaya tumalima ka sa bilin: No Mask, No Entry
tiyaking naka-facemask kung papasok ka't bibili
sa karinderya, botika, grocery, mall, palengke
sa barberya man o gusali, araw man o gabi

- gregbituinjr.



Huwebes, Hunyo 25, 2020

Higit nang tatlong buwang nakakulong sa tahanan

higit nang tatlong buwang nakakulong sa tahanan
ang gagawin sa araw-araw ay di na malaman
gigising, magluluto, kakain, hugas ng pinggan
paikot-ikot, maghihikab, tutulog na naman

kahiya-hiya para sa tulad kong pamilyado
ang sa kwarantinang ito'y pinaggagagawa ko
aba'y di lang katuga (kain, tulog, gala) ito
kundi katu na lang pagkat walang galaan dito

anong tindi, wala nang trabaho, wala pang kita
gagawin sa bahay ay pinag-iisipan pa nga
magtanim-tanim, magkumpuni ng anumang sira
nagpapatay ng oras, tila inabot ng sigwa

susulatin ang di pa nasulat na karanasan
lalo nang bata pa't hahalukayin sa isipan
magsasalaysay, maraming paksang pag-uusapan
upang di mabaliw sa lockdown, matino pa naman

- gregbituinjr.

Tiwakal

paano ba magbigti
kung wala ka nang silbi
baka ito'y mangyari
pag lockdown pa'y grumabe

walang kabuhay-buhay
tila na isang bangkay
mabuti pa ang patay
payapang nakahimlay

baka magpatiwakal
itong makatang hangal
nasaan na ang punyal
nang tuluyang mabuwal

nais ko nang humimbing
upang di na gumising
wala nang toreng garing
wala pang isang kusing

- gregbituinjr.

Miyerkules, Hunyo 24, 2020

Ipagpaumanhin mo po, O, Inang Kalikasan

ipagpaumanhin mo po, O, Inang Kalikasan
ang mga pinaggagawa naming kabulastugan
tapon dito, kalat doon, tapon kung saan-saan
daigdig na ito'y ginawa naming basurahan

kayraming basurang itinapon namin sa laot
plastik at upos ng sigarilyo'y katakot-takot
araw-gabi nga, basura namin ay hinahakot
di na namin alam kung saan na ito umabot

O, Inang kalikasan, aming hingi'y paumanhin
tapon dito, kalat doon ang ginagawa namin
pulos plastik kasi ang balutan ng kinakain
ngunit basurang itinapon ay bumabalik din

pagkat daigdig ay di tinuturing na tahanan
pagkat sa bansang ito'y wala kaming pakialam
pribadong pag-aari lang ang inaalagaan
at pinababayaan ang lungsod at pamayanan

kinabukasan ng anak ang inaasikaso
nasa isip ay pagkamal ng tubo at negosyo
O, Inang Kalikasan, ito'y pasakit sa iyo
ipagpaumanhin mo ang ginawa naming ito

- gregbituinjr.
06.24.2020

Kantanod

kantanod pala'y panauhing di inanyayahan
tulad ng langaw na naroon sa hapag-kainan
nanonood sa pagkain sa piging at huntahan
nakatanghod sa pulongbayan at mga handaan

siya ba'y gutom na nag-aabang ng makakain
o siya'y matakaw na tiyan niya'y bubusugin
siya ba'y pulubing ang mumo'y kanyang pupulutin
o siya ba'y tirador ng tira-tirang pagkain

siya ba'y mamamahayag na hanap lagi'y presscon
na inaabangan upang makalibre ng lamon
iyang kantanod nga ba'y anak ng pagkakataon
na napapalatak pag nakaamoy na ng hamon

makulit man ang langaw, iyong mauunawaan
na likas na ugali'y dapo ng dapo saanman
ganyan din ang kantanod na nakatanghod na naman
ingat, baka pag nalingat ka'y agad kang mawalan

- gregbituinjr.

kantanod - pang-uri; panauhing di inanyayahan; panonood sa pagkain (mula sa Diksyunaryong Filipino-Filipino, inedit ni Ofelia E. Concepcion, pahina 90)

Martes, Hunyo 23, 2020

Pagtanaw sa nagbabagong panahon

noong bata ako'y nilagnat, aking naalala
pinakain ng lugaw ng ina kong nag-alala
subalit pag nilagnat ka ngayong may kwarantina
di lang nanay, buong barangay ang mag-aalala

isa lamang iyan sa nakita kong kaibahan
sa sitwasyon noon at sa ngayong kapanahunan
iba ang dati't ang bagong normal na kalagayan,
na dapat nating pakasuriin at paghandaan

noon, pag naka-facemask ka'y huhulihin ng parak
tingin sa iyo'y holdaper kang sa masa'y pahamak
ngayon, huhulihin ng parak ang di naka-facemask
tingin ay pasaway kang sa masa'y magpapahamak

noon, krisis-pangkalusugan, solusyong medikal
ngayong krisis pangkalusugan, solusyon: militar
noon, upang di magkasakit, checkup sa ospital
ngayon, upang iwas-sakit, checkpoint o maospital

noon, facemask ay nagmahal nang pumutok ang bulkan,
ang mga walang facemask, binigyan ng lingkodbayan
ngayon, facemask ay nagkaubusan, walang mabilhan,
ang walang facemask, magmulta o doon sa kulungan

noon, pag may sakit, gobyerno'y tutulong sa kapos
ginagawan ito ng paraan, pati panustos
ngayon, di ang sakit ang tinutukan nilang lubos
mamamayan ang kinalaban, di coronavirus

- gregbituinjr.

Bata pa lang ay matuto nang magsaing

noon, tinanong ako kung marunong bang magsaing
ang tanong niya, pakiramdam ko'y isang pasaring
parang insulto't di maalam magluto ng kanin
umabot sa edad na itong di alam magsaing

kanin ang pangunahing kinakain araw-gabi
tatlong beses isang araw nga'y kumakain, sabi
pag di ka nagsaing, gutom ang pamilya mo, pare
kung di ka marunong magsaing, anong iyong silbi?

sa edad mong ito, pag di ka marunong magsaing
para kang putok sa buho, niluwal lang ng hangin
para kang robot na gasolina ang kinakain
para kang taong walang alam kundi ang kumain

kanin lang, di mo pa maluto sa edad mong iyan?
kaya insulto sa akin ang gayong katanungan
kanin ay batayang pagkaing ating nakagisnan
huwag papayag na pagsaing lang ay di mo alam

- gregbituinjr.

Lunes, Hunyo 22, 2020

Pagbabalik-aral sa matematika

naghahanap ako ng review center ng geometry
basic math, calculus, number theory, trigonometry
balik-aral na may sertipiko'y nais mangyari
bakasakaling makapag-tutor sa estudyante

habang tinutula ang ilang nalalaman sa math
habang muling binabasa ang samutsaring aklat
habang nagsasagot ng mga ekwasyong nabuklat
habang sa lockdown nabuburyong pagkat nagsasalat

di sapat ang araw-gabing maglaro ng sudoku
dapat may aplikasyon bawat natutunan dito
subalit dapat magbalik-aral pa ri't magrebyu
at makamit din ang inaasam kong sertipiko

muling nagrerebyu sa pagbabasa sa internet
lalo't nagpultaym agad noon kaya undergraduate
kung may review center ay mag-eenrol akong pilit
pagkat iba pa rin kung may sertipikong makamit

- gregbituinjr.
06.22.2020

Tanaga't dalit sa papel na makitid

limang short bond paper lang ang kailangan ko noon
ginupit ang long bond paper upang maging short iyon
dalawang pulgadang papel din ang napilas doon
sayang lang kung di magamit ngunit di ko tinapon

sa halip gupitin ang long bond paper, di ba dapat
bumili na lang ng short bond paper, subalit salat
sa salapi't gabi na, tindaha'y saradong lahat
napilas na papel pala'y magagamit kong sukat

inistapler ko yaong mga papel na ginupit
lapad ay dalawang pulgada, handa nang magamit
haba'y walo't kalahating pulgada, ito'y sulit
at masusulatan na ng mga tanaga't dalit

tanaga'y tulang may pitong pantig bawat taludtod
sa dalawang pulgadang papel ay kayang mahagod
dalit nama'y tigwawalong pantig bawat taludtod
mga katutubong tulang kaysarap itaguyod

parang papel ng huweteng, sinulatan ng tula
sa papel na makitid, kayrami nang makakatha
di nasayang ang papel na puno ng dusa't luha
nagamit sa panitikang may diwa ng paglaya

- gregbituinjr.
06.22.00

Labantot

tinawag ko nang labantot ang mabahong lalabhan
dahil naiwan kong nakatiwangwang sa lagayan
ng labahin ang mga damit kong pinagpawisan
ngayon nga'y lalabhan ang mga labantot na iyan
pagkat di dapat mga labantot ko'y pabayaan

mahirap sadyang maiiwan mo itong labantot
sapagkat dumi'y nagtututong na katakot-takot
ibabad sa bumubulang sabon, saka ikusot
t-shirt, salawal, brief, pantalon, kamisetang gusot
kuwelyo, pundiyo, singit, kili-kili'y makutkot

sabunin at kusutin at sabunin at kusutin
hanggang mawala ang dumi't bumango ang labahin
babanlawan ng maigi, sa pagsampay pigain
i-hanger o sa alambre't lubid isampay na rin
huwag hayaang gusot, sa araw na'y patuyuin

- gregbituinjr.
06.22.2020

Linggo, Hunyo 21, 2020

Ang pure math versus applied math

nakakatuwa man ang pure math tulad ng paglaro
ng sudoku, ang applied math ang maraming pangako
minsan, may ekwasyong lulutasing di ka susuko
di pwedeng pulos pag-ibig lang, dapat may pagsuyo

saan mo gagamitin ang kaalaman sa pure math
kundi ekwasyon ay malutas lang nang walang puknat
kumpara sa applied math, may pakinabang kang sukat
dahil makakatulong sa kapwa't bayan mong salat

ang pure math ay tulad ng sudoku, puzzle, abstraksyon
na masaya kang lutasin ang anumang ekwasyon
pure math ay pulos ideya, wala mang aplikasyon
gayunman, baka balang araw ay magamit iyon

ngunit magandang pareho natin silang mabatid
kombinasyong pure at applied math sa diwa'y ihatid
abstrakto o baliwag man ang ideyang sinilid
sa utak, may pakinabang din sa mundo't paligid

- gregbituinjr.
06.21.2020

Nais ko munang matulog ng labinglimang taon

nais ko munang matulog ng labinglimang taon
gigising lang muli pagsapit ng taon na iyon
tulad sa Demolition Man ni Sylvester Stallone
kasama si Wesley Snipes sa pelikula noon

nais ko nang matulog nang matulog ng mahimbing
paglipas ng labinglimang taon saka gigising
at masigla akong babangon sa pagkagupiling
baka wala nang pandemyang sadyang nakakapraning

sana'y may teknolohiyang tulad sa pelikula
sa aparato'y matutulog akong walang gana
habang COVID-19 pa sa mundo'y nananalasa
baka sa paglipas ng mga taon ay wala na

kung may aparatong ganyan, ako sana'y sabihan
at ipapahinga roon ang pagal kong katawan
isa't kalahating dekada'y baka saglit lamang
at pag nagising, patuloy pa ring maninindigan

- gregbituinjr.

Paano nga ba ang paggawa ng maikling kwento

paano nga ba ang paggawa ng maikling kwento
kung hindi ka naman nakikipag-usap sa tao
saan mo hahanguin ang mga ikukwento mo?
pulos ba sa haraya, sa pantasya o sa limbo?

di ba't ang kwento'y magandang may pinagbabatayan
lalo na't tunay na buhay ang iyong salalayan
ngunit kung sa kwentong pantasya'y mahusay ka riyan
tulad ng Encantadia, bawat akda'y pagbutihan

minsan, manood ng balita ng tunay na buhay
pag-ibig, aksidente, paglisan, puso'y umaray
makinig din sa tsismisan ng iyong kapitbahay
anong ginawa ng pulis sa ilalim ng tulay

subalit ano nga bang maipapayo ko rito?
basahin mo ang librong Mga Agos sa Disyerto
na sa panitikang pambansa'y isa nang klasiko
lima silang manunulat, may tiglilimang kwento

basahin mo pati kwento sa magasing Liwayway
ano ang mga salik ng kwento: tauhan, banghay,
lunan, panahon, ginamit na salita, magnilay
sa pagbabasa, ang pagkatha'y magiging makulay

kumuha ng bolpen at papel, simulang magsulat
minsan isipin din, sinong babasa't bubulatlat
sagutin bakit sa kwento mo sila'y mamumulat
matapos mabasa'y anong tumimo't nahalungkat?

- gregbituinjr.

Sabado, Hunyo 20, 2020

Ang aking quarantine look



Ang aking quarantine look

kanina'y tumingin sa salamin bago mag-selfie
aba'y quarantine look, kaya kinunan ang sarili
ermitanyo raw sa mahabang balbas at bigote
ganito na yata ang tulad kong di mapakali

sa nangyaring kwarantina ba'y sinong popormahan
upang bigote't balbas ay tanggalin o ahitan
wala, walang kita, walang pera, walang puntahan
naroon lang sa bahay, nagmumukmok sa kawalan

tinititigan ang langit, nagsasayaw ang ulap
samutsaring ulat ang nasagap sa alapaap
ng pagmumuni habang may ekwasyon sa hinagap
na habang naglalaro ng sudoku'y nangangarap

ang aking quarantine look ang buod ng kwarantina
na sa sarili'y tila ba kawalan ng pag-asa
o may pag-asa ngunit wala namang kinikita
o may nakikita ngunit sa lockdown ba'y ano na

tila ang quarantine look ko'y saksi rin sa kawalan
habang ang hanap ng masa'y hustisyang panlipunan
coronavirus ang kalaban, di ang mamamayan
bayan nawa'y kamtin ang panlipunang katarungan

- gregbituinjr.

Ang misyon ko bilang makata

nakikita ko ang sariling makata ng bayan
na inilalarawan ang buhay ng karaniwang
masang hagilap ay karapatan at katarungan
pati na manggagawang bumubuhay sa lipunan

nakikita ko ang sariling makata ng dukha
na inaakda'y luha, dusa't hirap ng dalita
bakit ba sila iskwater sa tinubuang lupa?
bakit walang sariling bahay sa sariling bansa?

ako rin ay isang makata ng matematika
tinutula'y tulad ng calculus, geometriya,
algoritmo, logaritmo, at trigonometriya,
samutsaring paksa upang maunawa ng masa

sa usaping astronomiya'y naging makata rin
na pinag-uusapan ang buwan, araw, bituin,
konstelasyon, buntala o planeta'y talakayin
lalo't apelyido ng makata'y paksang layunin

isa ring makata ng manggagawa ang tulad ko
lalo na't ako'y naging manggagawa ring totoo
diwa ng uring manggagawa'y tinataguyod ko
nang maitayo ang kanilang lipunang obrero

inoorganisa ko lagi ang mga taludtod
binibilang ang pantig, ang saknong ay hinahagod
bagamat nakakagutom din, wala ritong sahod
ang mahalaga, sa bawat pagtula'y nalulugod

- gregbituinjr.

Biyernes, Hunyo 19, 2020

Sanaysay sa Taliba: ANG KASONG LIBELO

SERYE NG BATAS AT KARAPATAN
Ang kasong libelo 
Maikling sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Natatandaan ko noong ako pa’y editor ng pahayagang pangkampus na upang maging matagumpay ang kasong libelong isasampa sa iyo ay dapat may apat na batayan, at may daglat itong PIDM. Publication - paglathala; Identification - Pagkilala o pagtukoy; Defamation - Paninirang puri; at Malice - malisya. Pag wala ang isa man sa apat na ito ay hindi magiging hinog ang kasong libelo. Halimbawa, sa isang blind item, may presensya ng tatlo pero hindi tinukoy ang pangalan, hindi ito magiging matagumpay na kasong libelo, dahil kulang ng isa.

Gayunman, mas dapat din nating aralin ang batas sa libelo upang makaiwas tayong makasuhan sa isang sinulat nating di natin mapanindigan, o di natin mapatunayan sa harap ng hukuman.

Ayon sa Artikulo 353 ng Philippines Revised Penal Code, ang kahulugan ng libelo ay “a public and malicious imputation of a crime, or of a vice or defect, real or imaginary, or any act, omission, condition, status or circumstance tending to cause dishonor, discredit or contempt of a natural or juridical person, or to blacken the memory of one who is dead.”

Sa simpleng sabi, pag may paninirang puri kang inilathala, maaari kang sampahan ng kasong libelo. Pagkat hindi garantiya ang kalayaang magpahayag. Ang pinaka-epektibong depensa rito ay ang katotohanan, at kaya mong idepensa ang iyong ulat ng mga katibayan, tulad ng preponderous evidence at testimonial evidence.

Dapat nauunawaan natin ito lalo na’t ginagawa natin ang ating pahayagang Taliba ng Maralita. Kaya may nagsusulat ng mga salitang “diumano”, “ayon sa saksi”, o sa Ingles ay “alleged”, at iba pa.

Paano maiiwasang makasuhan ng libelo? Ano ang dapat nating gawin pag tayo’y nakasuhan nito? Di sapat ang dapat handa tayong makasuhan ng libelo. Ang malaki riyan ay magkano ang piyansa, na di lang libo kundi milyong piso, lalo na’t ang nagsakdal ay mayaman at kilalang tao.

Sa susunod na isyu, pag-usapan naman natin ang isyu at batas hinggil sa cyberlibel.

* Ang artikulong ito'y unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hulyo 16-30, 2020, pahina 2.

Di na kumakain ng tatlong beses isang araw

di na kumakain ng tatlong beses isang araw
sa kwarantina'y ganito ang patakarang hilaw
minsan, dalawang beses lang kumakain ng lugaw
o kaya'y saging o manggang manibalang o hilaw

tatlong beses bawat araw kumain yaong hiling
sa bawat pakikibaka ng mga magigiting
subalit sa lockdown, animo mata'y nakapiring
natutulog na mata'y dilat, akala mo'y gising

bawat araw na'y kumakain ng dalawang beses
sa kawarantina'y ganito na tayo nagtitiis
lagi sa bahay, dapat sa bahay, hindi aalis
walang sahod, walang kita, sadyang nakakainis

almusal at tanghalian ay pinagsasabay na
alas-diyes o alas-onse kakain tuwina
alas-singko o alas-sais ng gabi'y sunod na
kain, ganito, tipid-tipid habang kwarantina

minsan, altanghap: almusal, tanghalian, hapunan
pinagsasabay na isang beses ang mga iyan
ganito na ang bagong normal na nararanasan
ang tatlong beses bawat araw ba'y pangarap na lang?

- gregbituinjr.

Huwebes, Hunyo 18, 2020

Karahasan at paglabag sa karapatang pantao sa panahon ng kwarantina

KARAHASAN AT PAGLABAG SA KARAPATANG PANTAO SA PANAHON NG KWARANTINA 
Saliksik ni Greg Bituin Jr.

Balitang-balita ang maraming paglabag sa karapatang pantao nang magsimula na ang lockdown o community quarantine noong kalagitnaan ng Marso 2020 dahil sa pananalasa ng COVID-19. Dapat daw, lahat ay may facemask, mag-alkokol, Stay-at-Home, mag-social distancing, atbp. upang maiwasan ang sakit na COVID-19. Habang ang marami'y nananawagan noon ng Free Mass Testing, at ayuda.

Subalit maraming paglabag sa karapatang pantao ang naganap, dahil mga pasaway daw ang mga nagtinda upang di magutom ang pamilya, hinambalos ng yantok, binugbog, sinaktan, kinulong, at ang pinakamatindi’y ang pagpatay. Ano pa bang aasahan natin kung sinabi mismo ng pangulo na “Shoot them dead!” sa sinumang lumalabag sa polisiya sa kwarantina? Tulad ng tokhang, karahasan ang mga naganap.

Kawawa ang inabot ng mga walang facemask, pulos maralita ang mga hinuli’t ikinulong. Habang ang mga sikat at kampi ni Duterte ay nakakalaya sa kabila ng mga paglabag din sa polisiya ng kwarantina. Sikat sa social media ang pagkakaligtas, sa kabila ng paglabag, nina Senador Koko Pimentel, Mocha Uson, Debold Suñas, at marami pang iba.  

Kitang-kita ang tunggalian ng uri sa kasalukuyan. Tunay ang sinabi sa kantang Tatsulok: “At ang hustisya ay para lang sa mayaman.” At kita ito ng mga maralitang galit na sa nangyayaring inhustisya sa lipunan.

Nasaan na ang due process? Sa panahon ng tokhang nga’y walang due process, hahanapin pa ba natin ito sa ngayon? Oo. Sapagkat ito ang nararapat. 

Sunod-sunod ang mga vendor na hinuli dahil gutom sila’t nais kumita upang mapakain ang pamilya. May 13-anyos na pinalo umano ng yantok ng pulis. Si Ka Dodong na taga-Navotas, na hinuli’t muntik maging isang desaparesido, dahil walang quarantine pass. May magsasakang namatay dahil tinanggihan ng anim na ospital. Pinaslang ang sundalong si Winston Ragos, gayong limang pulis ang naroroon. May war shock umano ang sundalo, ngunit tila may topak din ang pulis na bumaril sa kanya. Pati manggagawang nagdiwang ng Mayo Uno ay dinakip din at ilang araw namalagi sa kulungan.

Ayon kay Mayor Joy Belmonte ng Quezon City, pag walang facemask sa QC, 6 na buwang kulong at P50K na multa. Anong klase ang ganitong pinuno, na imbes bigyan ng facemask ang walang facemask ay ikukulong pa?

Nakaparaming karahasan, na imbes tutukan ang COVID-19, ay pulos tapang at pananakit ang nararanasan ng mamamayan. Ganito nga ba ang pamahalaang pinamumunuan ng matapang na mamamatay-tao, at nagsabing una sana siyang nanggahasa sa isang babaeng Australianang pinaslang.

* Unang nalathala ang artikulong ito sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 1-15, 2020, pahina 10-11.

Pagnanasang makapagtrabaho

karatula'y nakita, ako'y nagbakasakali
kailangan daw ng helper, ako ba'y maaari?
magpasa ng biodata, at magsimulang muli
upang pamilya'y di magutom, dapat magpunyagi

sa kabila ng kwarantina'y mamimili pa ba
ng trabaho? mahalaga'y ang magkatrabaho na
upang may maisubo sa pamilyang umaasa
matanggap lang ako'y maganda na itong umpisa

trabahong may sahod, habang wala sa pagsusulat
mabigat man ang trabaho'y dapat gawin ang lahat
magpaalipin man sa kapitalista'y mabigat
ngunit walang magawa kaysa mamatay kang dilat

itinuring kong kwarantina'y panahon ng Hapon
nang dahil sa giyera'y nalumpo ang buong nasyon
dapat magpunyagi upang pamilya'y may malamon
wala nang pili-pili, magkatrabaho lang ngayon

- gregbituinjr.

Ang larawan ng aking diwata

larawan niya'y nakaukit na sa aking diwa
sadyang kayganda ng larawan ng aking diwata
anong pungay ng mata niyang tila lumuluha
kaytamis pa ng kanyang ngiting ang dama ko'y tuwa

kailangan pa ba natin ng isang inspirasyon?
di pa ba sapat ang haraya o imahinasyon?
o mas kailangan nating magsikap, perspirasyon?
o siya'y isang panaginip, di muna babangon?

ano nga ba ang diyalektika ng pagmamahal?
maliban sa naiisip nitong makatang hangal
mula nga ba sa puso, o sa diwa mo'y nakintal?
ang kanyang ganda, pati na mabuti niyang asal?

ano bang inaasam sa kinakathang pag-ibig?
upang magandang diwata'y makulong ko sa bisig?
sa hirap ko, anong isusubo sa kanyang bibig?
bigas ba o bato? magsikap upang may pinipig?

- gregbituinjr.

Miyerkules, Hunyo 17, 2020

Tinitimbang-timbang ko rin ang bawat sinusulat

tinitimbang-timbang ko rin ang bawat sinusulat
tinig ba ng akda'y pakiusap o panunumbat
na habang naririto't umaakda'y minamalat
o ang kinakatha'y para bagang simpleng panggulat

pinakikinggan ang ulat sa radyo't telebisyon
tuhugin bawat isa, anong inihihimaton?
anong nilatag sa haraya o imahinasyon?
ano't kinukulata yaong nabihag ng maton?

nakatitig sa diwata't nagpapalipad-hangin
animo'y amihan at habagat sa papawirin
di matingkala ang samutsaring uunawain
kahit na ang laot ay di ko makayang sisirin

nilulumot ang pluma't papel sa bulsa ng polo
habang nagkalat sa titisan ang maraming abo
paano na ilalarawan ang tiwali't tuso
sa panahong nilulumot na rin ang mukhang ito

sulat ng sulat, wala namang nagbabasang mulat
dilat na dilat gayong himbing na himbing ang lahat
sana sa buhay na ito'y may nobelang masulat
kahit isa man lang habang ako'y buhay pa't dilat

- gregbituinjr.

Nais kong matulog nang mahimbing

nais ko nang matulog nang matulog nang matulog
nais ko nang matulog nang matulog nang matulog
nais ko nang matulog nang matulog nang matulog
nais ko nang matulog nang matulog nang matulog

ayoko nang magising pa, ayoko nang magising
nais ko nang humimbing pa, mahimbing na mahimbing
ayoko nang magising pa, ayoko nang magising
nais ko nang humimbing pa, mahimbing na mahimbing

nakakapagod na sa daigdig ng kwarantina
mabuti pa kung ito'y isang totoong giyera
nakakapagod na sa daigdig ng kwarantina
mabuti pa kung ito'y isang totoong giyera

ako'y kaisa ng mga hukbong mapagpalaya
bilang mandirigma upang bayan ay mapalaya
upang baguhin ang sistemang bulok ng kuhila
ngunit sa lockdown ay mandirigmang walang magawa

nais ko nang matulog, at matulog ng mahimbing
at pag may himagsikan na'y saka ako gigising
upang samahan ang mga bayaning magigiting
tungo sa lipunang ang bituin ay nagniningning

- gregbituinjr.

Pagpapatuloy ng pulong

sa gabi, dapat nang magpatuloy ang pagpupulong
maghapon nang nagkarpintero't nagpagulong-gulong
sa pawis at tatal ngunit di nag-uurong-sulong
bagamat sa maraming bagay ay di pa marunong

sa kabila ng lockdown, abalahin ang sarili
sa mga gawaing bahay, huwag mag-atubili
pakainin ang manok at magtanggal ng tutuli
maggupit ng plastik at kuko, kung di mapakali

isulat sa kwaderno ang sa diwa pumulandit
habang nakikinig sa bulyaw ng gabing pusikit
sa amin kayang pulong, anong nais kong ihirit
anumang napag-usapan ay agad maiguhit

sadyang sakbibi ng hirap ang panibagong normal
na di malaman ang gagawin kahit ng hinalal
tutula lang ba ang tulala, parang isang hangal
sa nangyayari ba'y ano't laging natitigagal

- gregbituinjr.

Pagsisipag ngayong kwarantina

pinakikita ko ang sipag ngayong kwarantina
tulad noong ako'y manggagawa pang may sistema
bilang machine operator na minolde'y piyesa
ng floppy disk ng kompyuter na halos ay wala na

pati sistema sa assembly line pa'y kabisado
lalo ang limang S sa pabrikang pinasukan ko
iyon ang seiri, seiton, shitsuke, seiketsu, seiso
pati quality control ni Deming na nasaulo

kaya ngayong kwarantina, nagkakarpintero man,
sa paggawa ng ekobrik, o maging sa tulaan
ipinapakitang de kalidad ang mga iyan
nagagamit ko ang natutunan sa karanasan

kaya pinaghuhusayan ang bawat kong gagawin
may sistema, plano pa't diagram, di pulos drawing
iyon din ang gawin sa ekobrik at pagtatanim
natutunan ko'y ginagamit upang di manimdim

- gregbituinjr.

Martes, Hunyo 16, 2020

Ang malupit kong pagkukunwari

kunwari'y susunod sa patakaran nila't batas
bilang mabuting mamamayang nais lagi'y patas
kunwari'y aktibistang tulog na papungas-pungas
ngunit tungong ideyolohiya ang nilalandas

kunwari'y mabuting Kristyano ngunit ateista
na pag niyayang magsimba'y sasamahan ko sila
kunwari'y mapayapang mamamayan sa tuwina
ngunit pag may isyu, kasama ako sa kalsada

kunwari'y pambatang panitikan ang sinusulat
tungkol sa pabula't mabuting ugali sa lahat
iyon pala'y sistemang bulok na ang inuulat
upang sa ideyolohiya'y maagang mamulat

kunwari'y makatang bawat tula'y may paglalambing
na animo'y laging naroroon sa toreng garing
ngunit inilalarawan sa tula'y trapo't sakim
at sistemang bulok na dapat duruging magaling

kunwari'y magtatrabaho bilang simpleng obrero
subalit organisador pala sa loob nito
dahil prinsipyo kong yakap ay ibabahagi ko
at lipunang manggagawa'y panghawakang totoo

- gregbituinjr.

Hanggang sa kamatayan

hanggang sa kamatayan, ang misyon ko'y tutuparin
bilang tagagampan ng ideyolohiyang angkin
upang uring manggagawa'y aming papanalunin
at ang bulok na sistema'y tuluyan nang durugin

di na magbabago ang tungkulin kong sinumpaan
hukbong mapagpalaya ang babago sa lipunan
mapunta man sa lalawigan o ibang bansa man
ito'y misyong tutuparin hanggang sa kamatayan

maging barbero man ako, sakristan, kusinero
maging basurero, labandero, o inhinyero
maging lingkod bayan man o tiwaling pulitiko
nakatuon bawat gagawin tungo sa misyon ko

dapat nang maimulat ang hukbong mapagpalaya
na iyang bulok na sistema'y tuluyang mawala
malaki ang papel dito ng uring manggagawa
at ng tulad kong ang ideyolohiya'y panata

- gregbituinjr.

Ang pag-ulam ng kamatis

inulam ko muli kaninang umaga'y kamatis
na paborito ko raw kaya maganda ang kutis
walang anumang tagiyawat, ang mukha'y makinis
ang sabi nila, kahit kili-kili ko'y may pawis

minsan, nangunguha ng kamatis na sumisibol
sa bakuran o kaya'y sangkilo nito'y gugugol
sa palengke, mura sa ngayon, kahit ako'y gahol
di ko na iyon niluluto't sayang pa ang gasul
kakainin ng hilaw, sa sarap mapapasipol

gagayating malilinggit, isasawsaw sa toyo
wala kasing bagoong na dapat nito'y kahalo
ito'y uulamin namin nang may buong pagsuyo
kamatis lang, mawawala ang gutom at siphayo
habang sa sarap nito'y may tula ring mahahango

- gregbituinjr.

Upang di ma-high blood sa pagkain ng manok

matagal ko nang tinigil ang pagkain ng manok
kayhirap ma-high blood muli't sa ospital ipasok
ayoko ring maospital kung walang naisuksok
kaya nag-vegetarian, umiwas sa taktalaok
nag-budgetarian din upang may salaping maimpok

nag-alaga ng manok di upang aking kainin
kundi dahil may manok na nariyang alagain
pinatutuka araw-araw upang palakihin
malayo man ang bilihan ng patuka'y bibilhin
sanay naman akong kilo-kilometro'y lakarin

nililinis ang kulungan nila tuwing umaga
habang iyon din ang aking ehersisyo tuwina
basta sarili'y iniingatan ko na't sabi pa
di kakain ng manok, adobo man o tinola
upang iwas-high blood, mapalakas ang resistensya

payo nila, upang di ma-high blood, mag-maintenance daw
at makakakain ka pa ng manok na inihaw,
adobo, tinola, chooks-to-go, o chicken joy pa raw,
Andoks, Baliwag, ngunit iba ang aking pananaw
iwasang magmanok, upang di maagang pumanaw

- gregbituinjr.

Lunes, Hunyo 15, 2020

Pagsulyap sa Alpha Centauri

matagal ko nang naririnig ang Alpha Centauri
na sistema ng mga bituing kita sa gabi
kapara ng sistemang solar na iniintindi
na nais kong ikwintas sa magandang binibini

Alpha Centauri'y titigan mo't madarama'y saya
kukuti-kutitap sa kalangitan, O, sinta
maipapangako mo sa iyong magandang musa
na iyong iaalay ng buong puso sa kanya

isa raw sa pinakamaliwanag na bituin
sa kalangitan na natatanaw dito sa atin
ito yata ang totoong bituing nagniningning
sa gabing pusikit habang sa sinta'y naglalambing

kagabi, Alpha Centauri nga'y muli kong minasdan
habang astronomya'y pinag-aaralang mataman
paano gumalaw ang bituin sa kalangitan
upang galaw din ng daigdig ay maunawaan

- gregbituinjr.
06.15.2020

Paumanhin sa ilang kasama

paumanhin kung minsan ay mabagal ang internet
di na ako makausap, di kasi makagamit
kaya pasensya na kung minsan ako'y kinukulit
ngunit di agad makasagot kahit anong pilit

di gaya ng nakaraan, di na maka-video chat
ngunit susubukan pa ring sa inyo'y makasatsat
mahirap kasing maki-wifi lang, kaya makupad
di ko tuloy nagagawa kung anong nararapat

kaya muli, ang samo ko sa inyo'y paumanhin
sa anumang pagkukulang ko sana'y patawarin
basta't sa buong loob ko, tungkulin ay gagawin
kahit may mga ibang nais akong patigilin

tuloy ang gawain ko, batay sa ating prinsipyo
patuloy pa ring nakikibaka, taas-kamao
ating babaguhin ang bulok na sistema't mundo
nawa sa buhay na ito'y magisnan natin ito

- gregbituinjr.
06.15.2020

Linggo, Hunyo 14, 2020

Paghahanap ng trabaho

dapat umalis na ako't maghanap ng trabaho
bilang panimula, kahit mababa lang ang sweldo
tiis-tiis lang muna dahil may pamilya tayo
para lang magkatrabaho, gagawin kahit ano

magpapaalipin na muna sa kapitalista
kahit na malaking dagok sa prinsipyo sa masa
nais kong sa kabila ng lockdown, ako'y may kwenta
kahit walang kwento basta't magkatrabaho muna

ito na marahil ang tatakbuhin niring buhay
kahit gawain sa konstruksyon, huwag lang mapilay
ang pamilya sa gutom, kaya ngayon nagsisikhay
habang sa tula, ilalarawan din itong tunay

mababang sahod man, tanggap na't magpapakalunod
magpagulong-gulong man at malaglag sa alulod
dahil may bagong pamilya na'y magpapakapagod
ngunit di iiwan ang prinsipyong tinataguyod

- gregbituinjr.
06.14.2020

Pangunguha ng talbos ng kamote

nanguha na ng talbos ng kamote pagkagising
doon sa bakurang kaytagal nang maraming tanim
hinugasang mabuti ang talbos bago lutuin
ginisa sa bawang, sinawsaw sa toyo't kinain

ito'y pampalakas din, at pang-ulam ng pamilya
pitasin lang sa bakuran lalo na't walang pera
patunay na maging badyetaryan ka rin tuwina
sa talbos lang ay nakakaraos na rin ang masa

kaya tayo rin sa pagtatanim ay magsipag lang
at balang araw, tayo na rin ang makikinabang
minsan, maglagay ng balag upang doon gumapang
ang iba't ibang gulaying sa pamilya'y pang-ulam

mga tatlong araw lang, tutubo muli ang talbos
lalo na ngayong kayraming tubig dahil sa unos
tuwing hapon umuulan, sadyang makakaraos
basta masipag magtanim, di ka maghihikahos

- gregbituinjr.
06.14.2020

Ang pagkamatay ni George Floyd na naging mitsa ng protesta sa US

Ang pagkamatay ni George Floyd na naging mitsa ng protesta sa US
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Black Lives Matter. Muling nabuo ang malaking protesta ng mga Itim sa Amerika bunsod ng pagkamatay ni George Floyd. Hindi ito tulad sa Pilipinas, na di pa agad masabing Brown Lives Matter, dahil Pilipino rin ang pumapatay sa kapwa Pilipino sa mga nagaganap sa salvaging o E.J.K (Extra-Judicial Killings) sa bansa.

Si George Floyd ay isang Egoy (Amerikanong Negro) na nakita sa video at litrato na nakadapa sa gilid ng isang police car, pinosasan ang mga kamay sa likod at dinaganan ng tuhod ng pulis na Puti ang kanyang leeg. Ang pulis, si Derek Chauvin, at tatlo pang pulis, ang umaresto kay Floyd, dahil diumano sa pekeng pera. Nangyari iyon sa Minneapolis noong Mayo 26, 2020.

"I can't breathe! (Hindi ako makahinga!)" ang paulit-ulit niyang sinasabi. Namatay siya sa kalaunan.

Kinabukasan ay sinibak agad ang apat na pulis. Ayon sa awtopsiya, homicide ang ikinamatay ni Floyd. Sa madaling salita, namatay siya sa kamay ng pulis na si Chauvin. Kinasuhan si Chauvin ng third-degree murder at second-degree manslaughter.

Dahil sa nangyari, nagkaroon ng malawakang protesta sa pagkamatay ni Floyd, at laban sa karahasan ng mga pulis na Puti laban sa mga Egoy, sa iba't ibang lugar ng Amerika, maging sa ibang panig ng mundo.

Bago iyon, bumili si George Floyd ng kaha ng sigarilyo sa Cup Foods sa Minneapolis, at nagbayad ng $20. Nang makaalis na siya pasakay ng kanyang SUV, tumawag ng pulis ang may-ari ng Cup Foods sa hinalang peke ang perang ibinayad ni Floyd. Kaya dumating ang mga pulis at inaresto si Floyd.

Sa ating bansa, marami nang pinatay ang mga pulis sa War in Drugs. Ang nangyari kay Kian Delos Santos, kung ikukumpara kay Floyd, ay nagpaputok din ng maraming protesta para sa hustisya.

Kung nagalit ang mga tao sa pagpatay na iyon ng pulis, na mitsa ng libu-libong protesta, sa ating bansa naman, sa takot pagbintangang kumakampi sa adik, ang kawalang proseso at kawalang katarungan ay tila binabalewala. Ayaw lumabas sa kalsada, ayaw iprotesta ang mga mali.

Dapat kumilos din tayo laban sa inhustisya. Dapat kumilos din tayo laban sa kawalang paggalang sa due process at karapatang pantao.

Nakagawa man ng pagkakamali si George Floyd, hindi siya dapat namatay, o "di-sinasadyang" pinatay. Isa siya ngayong inspirasyon sa pakikibaka laban sa racismo, karahasan ng mga Puti laban sa mga Itim, at laban sa police brutality.

Sa ating bansa, kung napanood natin ang dokumentaryong "On the President's Order", isa itong dokumentaryo sa War on Drugs at panayam sa mga totoong pulis at totoong pamilya ng biktima ng pagpaslang.

Ang pakikibaka para sa hustisyang panlipunan ay ipinakita sa pagkamatay ni George Floyd sa Amerika, habang si Kian delos Santos naman, bilang naging kinatawan ng iba pang pinaslang. Kung maisasabatas pa sa ating bansa ang Terror Bill, baka mas lalong umabuso ang mga nasa kapangyarihang nang wala pang Terror Bill ay marami nang pinaslang nang walang paggalang sa due process.

Nawa'y makamtan ng mga biktima ng pamamaslang ang hustisya!

* Ang artikulong ito'y unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal ng publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 1-15, 2020, pahina 18-19.

Sabado, Hunyo 13, 2020

Sa panahon ng mga robot

Sa panahon ng mga robot

sinanay sila upang maging mga ala-robot
sumunod lang sa chain-of-command at huwag sumagot
sinanay sa "yes sir", tiger look na nakakatakot
sinanay raw nang sa laban ay di lalambot-lambot

kaya trato nila sa mga sibilyan ay plebo
na papaluin lang upang disiplinahin ito
hazing sa akademya'y dinala nila sa tao
babanatan agad ang pasaway o kalaboso

kaya sa kwarantina'y walang kara-karapatan
ang mamamayang tinatrato nang parang kalaban
nirerespeto lang nila'y naghahari-harian
tingin sa sarili'y mas mataas kaysa sibilyan

kasangkapan lang sila ng dalahirang rehimen
tanging kakampi niya't sunud-sunurang alipin
kaya sa Terror Bill ay gigil isabatas na rin
na siyang magtatanggol sa pangulong utak-lumpen

ganyan ang utak ng mga robot na palamara
mabuti pang maalis ang lupit ng istruktura
at maitayo ang totoong depensa ng masa
mula sa mamamayang marunong makipagkapwa

karapatang pantao'y kanilang iginagalang
bawal sa kanila ang E.J.K. o pamamaslang
dinadaan sa wastong proseso ang bawat hakbang
sinanay silang magalang, di maging salanggapang

#JunkTerrorBillNow
#AyawNaminSaTerorismoNgEstado

- gregbituinjr.
06.13.2020

Bakit nga ba ang manok ay dapat pinapakain

bakit nga ba ang manok ay dapat pinapakain
dahil pag nangitlog ito, itlog ay lulutuin
pinapakain upang balang araw ay kainin
ganyan ang buhay ng mga manok na alam natin

tanong nila: alin ang nauna, itlog o manok?
na tanong ng namimilosopong di naman bugok
saan galing ang itlog? sa manok na kumukukok
saan galing ang manok? sa itlog ng taktalaok

naglipana ang manok na inihaw o pinrito
mayroong Andoks, Baliwag, Señor Pedro, chooks-to-go
sa karinderya'y kayraming manok na inadobo
sa Jollibee't McDo nga'y sikat din ang mga ito

ganyan nga kahalaga ang manok na alagain
di lang panabong kundi sa pamilya'y pang-ulam din
ngunit ako'y nag-vegetarian, iniwasan na rin
ang manok, kundi isda't gulay na'y hilig kainin

- gregbituinjr.

Maging alisto sa patalon-talong password sa fb

Maging alisto sa patalon-talong password sa fb

sa pagtipa ng email sa facebook, maging alisto
lalo na't biglang patalon-talon ang password nito
at maiiwan doon sa lalagyan ng email mo
kaya yaong makakakita sa facebook mo'y may clue

aba'y pag kumabit ang password mo sa iyong email
baguhin mo agad ang password mo upang mapigil
ang makaalam nito, baka magamit ng sutil
at palitan ang password mo ng sinupamang taksil

kaya sa password na patalon-talon ay mag-ingat
baka sa internet shop ay maiwanan mong sukat
maging alisto kang lagi nang huwag kang malingat
mahirap nang iba ang sa facebook mo makabuklat

parang lagakan ng iyong talambuhay ang facebook
akda, litrato, alaala'y diyan mo sinuksok
kaya pag-ingatan ito nang di ka rin malugmok
nang di maisahan ng matalinong asal-bulok

- gregbituinjr.
06.13.2020

Biyernes, Hunyo 12, 2020

Sigaw ko'y "Stop Child Labor" tuwing Hunyo a-dose

Sigaw ko'y "Stop Child Labor" tuwing Hunyo a-dose

imbes pekeng araw ng paglaya ang gunitain
World Day Against Child Labor ang alalahanin
pagkat kung Acta de Independencia'y babasahin
sa Kastila'y lumaya, sa Kano'y nagpailalim

kaya ninanais ko pang tuwing Hunyo a-dose
ipaglaban ang mga bata bilang estudyante
pagkat mga batang nagtatrabaho na'y kayrami
sa bansang itong pati bata'y agad naaapi

dapat ang mga bata'y naroon sa paaralan
at di nagkakalkal ng anuman sa basurahan
upang maibenta ang kinalakal na anuman
nang makakain lang ang pamilyang nahihirapan

di sila dapat maging mga batang manggagawa
pagkat kahit sa sahod, bata silang nadadaya
nagtatrabahong laging mura ang lakas-paggawa
pagsasamantala sa kanila'y dapat mawala

karapatan ng bata'y dapat laging irespeto
maglaro, mag-aral, maging bata ang mga ito
tuwing Hunyo a-dose, ikampanya nating todo
"Stop Child Labor Now!" ang isigaw natin sa mundo

- gregbituinjr.
06.12.2020

Pabili po ng potasyum

pampatibay ng buto ang potasyum, tandaan mo
kaya kumain ng saging upang lumakas tayo
tingnan mo ang mga matsing, matatatag ang buto
kahit na napaglalangan din sa pagiging tuso

nalaman ko ito sa naospital na kasama
di nakalakad, sa potasyum daw ay kulang siya
mayaman daw sa potasyum ang saging, sabi nila
kaya pagkain nito'y aking ikinakampanya

palakasin ang katawan, kumain ng potasyum
mabigat din sa tiyan at pampawala ng gutom
aba'y kaysarap nguyain habang bibig pa'y tikom
mga sakit mo'y bakasakaling agad maghilom

balat ng saging ay pampatibay din ng pananim
lalo na't marami rin itong potasyum na kimkim
ilagay mo sa tanim kahit bunga'y anong lalim
kung namumulaklak ito'y mayroong masisimsim

potasyum na ang tawag ko sa saging na lakatan,
tomok, saba, senyorita, morado, o latundan
sabi ko sa tindera, potasyum po'y kailangan
pabili po ng potasyum, kahit isang kilo lang

- gregbituinjr.



Nag-agawan ang mga sisiw sa ulo ng tuyo

nag-agawan ang mga sisiw sa ulo ng tuyo
tila di nila malaman kung saan itatago
ang tuyong natuka, baka maagaw pa't maglaho
minsan ko lang kasi silang mapakain ng tuyo

nakakatuwang pagmasdan ang kanilang takbuhan
nagsawa ba sa patuka ang inaalagaan?
o ispesyal ang tuyong nais nilang malasahan?
na natira ko lamang nang kanina'y mag-agahan

inulam ko'y tuyo, di kinain ang buong ulo
hinaluan ko ng tutong ang patukang bigay ko
patukang may kanin ay kinain ng mga ito
ngunit di na pinansin nang sa tuyo'y magkagulo

ang buhay ng sisiw ay nasusubaybayan na rin
mula itlog pa sila't nilimliman ng inahin
hanggang maging sisiw sila't bigyan ng tutukain
at panoorin lang sila'y may bagong tutulain

- gregbituinjr.

Huwebes, Hunyo 11, 2020

Ayokong parang naghihintay lang ng kamatayan

ayoko ng anumang trabaho o hanapbuhay
na para bagang naghihintay ka na lang mamatay
halimbawa, sa malayong mansyon ay tagabantay
para lang sa sahod, nasasayang ang iyong buhay

ayokong tagapakain ng aso ng mayaman
at nakakulong lang sa mansyon, walang kalayaan
ayokong magbantay ng kanilang ari-arian
para sa karampot na sahod, buhay na'y sinayang

mas maigi pang sa pabrika'y maging manggagawa
baka makatulong pa sa ekonomya ng bansa
kahalubilo pa ang kauri mong maralita
na may paninindigan din at prinsipyong dakila

at sasabihin mong sa trabaho'y namimili pa
oo, trabahong may katuturan at mahalaga
pagkat magtatrabaho ako di dahil sa pera
minsan ka lang mabuhay, dapat makabuluhan na

mas nais ko pang ginagawa'y ang may katuturan
tulad ng pagbaka upang mabago ang lipunan
kumakain ka nang may prinsipyo't paninindigan
kasama sa pag-ugit ng kasaysayan ng bayan

tanong sa akin: ang prinsipyo ba'y nakakain mo?
oo, mas mahirap kumain kung walang prinsipyo
mahirap mabulunan kung korupsyon galing ito
mabuti pa ang mabuhay kang marangal na tao

ganyan dapat ang buhay, di pawang katahimikan
ang iniisip kundi para sa kapwa mo't bayan
na ipinaglalaban ang hustisyang panlipunan
mabubuhay at mamamatay nang may kabuluhan

- gregbituinjr.

Pag ikaw ang nagbukas, ikaw ang magsara

huwag kang basta magbibilin ng kung anu-ano
sa iyong kasama, malamang, malimutan ito
huwag ibiling nag-iigib ka't bukas ang gripo
o sa takure'y nag-iinit ng tubig, ay naku

pag binuksan mo ang gripo, ikaw rin ang magsara
pag-init ng tubig sa takure'y bantayan muna
huwag ibilin sa iba't may ibang gawa sila
baka malimutan lang nila't masunugan ka pa

tiyaking mong maisara kung ikaw ang nagbukas
pag gasul ay binuksan mo, isara mo rin ang gas
huwag mong hayaan sa kamag-anak o kabakas
baka magkadisgrasya'y sarili ang mauutas

pagkat ibang tao'y may ibang inaasikaso
bilinan mo't tatango lang, malilimutan ito
huwag ugaliing magbilin, ito'y tapusin mo
upang tiyak mong ang binuksan mo'y masasarado

- gregbituinjr.

Nakakahiyang tumira sa bahay ng byenan ko

nakakahiyang tumira sa bahay ng byenan ko
wala akong maambag, pabigat lang ako rito
ako'y pasanin lang, di mabayaran ang Meralco
di rin mabayaran ang tubig, pagkat walang sweldo

pultaym na tibak, dama sa sarili'y walang kwenta
mahirap namang laging kay misis lang umaasa
kailangang magtrabaho, kahit magbenta-benta
upang di maging pabigat sa bago kong pamilya

sumusuporta man o hindi sa aking gawain
balewala lahat iyon kung kami'y gugutumin
baka sa kapitalista ako'y magpaalipin
nang makatugon sa pang-araw-araw na pagkain

sa byenan ko lang daw kami umaasa, ang sakit
gayong kaysipag kong magtrabaho, paulit-ulit
maglampaso, maglaba, hugas ng pinggan, magligpit
at pasasaringan pa ako't sadyang mapanglait

ito na ang pamilya ko, nais ko mang lumayas
kumbinasyon ng gawain ko'y ginagawang patas
para sa pagkilos, at sa pamilya, bagong landas
upang mabuhay ng matuwid, galaw ko'y parehas

naghahanap ako ng matatrabaho sa ngayon
ayokong maging pasanin o pabigat na ampon
dapat kong tiyaking may maiambag sa panglamon
nang malaya kong magawa ang pagrerebolusyon

- gregbituinjr.

Miyerkules, Hunyo 10, 2020

Di dapat magtila malamig na bangkay ang tula

di dapat magtila malamig na bangkay ang tula
dapat buhay na buhay ito sa babasang madla
aralin ang tono, imahe, pagsalita't wika
may talinghaga ba sa babasang makakagitla
o tahimik lang nanamnamin ang bawat kataga

ang tula'y di dapat magtila malamig na bangkay
na pag binabasa'y damang walang kabuhay-buhay
sa presentasyon ng tula'y dapat napagninilay
tulad ng sigaw mo pag biglang umuga ang tulay
pagbigkas pa lang o pagbabasa'y bigay na bigay

kaya madalas may inspirasyon din sa pagtula
ngunit mas mahalaga'y perspirasyon sa pagkatha
pag-isipan bawat saknong, taludtod at salita
at huwag basta-basta bira ng birang tulala
pagkat nililikha mo'y panghabambuhay na akda

- gregbituinjr.

Ang pagsusungit ng panahon

natatanaw mo ba ang pagsusungit ng panahon?
paano siya magsungit, nahan ang mukha niyon?
nakasimangot ba o nanggagalaiti iyon?
sa galit kaya nagsusungit na kapara'y leyon

di ko pa nakita ang nagsusungit niyang mukha
kundi kilos lang niyang nararamdaman kong lubha
ipinakikita ang ngitngit sa mga pagbaha
at sinumang tinamaan niya'y nakakaawa

kung magandang dalaga ang panahong nagsusungit
payag ka bang masungit man ay iibiging pilit?
kung siya'y liligawan mo, siya kaya'y babait?
paano kung nanggagalaiti siya sa galit?

pagsusungit ng panahon ba'y anong pahiwatig?
ayon sa agham ay banggaan ng init at lamig
ang mahalaga'y magtulungan at magkapitbisig
at sa tindi ng unos niya'y huwag padadaig

- gregbituinjr.

Preemptive strike ang layon ng Terror Bill

isang preemptive strike ang nakikita kong layon
kaya ang Terror Bill ay pinamamadali ngayon
nang matakot ang masang diskuntento sa sitwasyon
upang mapigil agad ang ala-Edsang rebelyon

dahil sa laksang kapalpakan ng gobyernong ito
sa COVID-19; pambansang utang na lumolobo;
sa malawakang krimeng pagpaslang, walang proseso;
sa pagkutya't paglabag sa karapatang pantao;

nais daw durugin sa bansa'y mga komunista
habang kinakaibigan ang komunistang Tsina
habang hinahayaang sakupin ng Tsina'y mga
isla ng Pilipinas, nakatunganga lang sila

bago pa makaporma ang masa'y pigilan agad
bago pa baho nila't katiwalia'y malantad
sinumang lalaban ay terorista, itong hangad
ng Terror Bill, bago pagkilos ng masa'y umusad

durugin agad anumang pag-aalsa ng masa
sa Terror Bill, ituring agad silang terorista
kaya preemptive strike ang Terror Bill, matakot ka
upang sa kapangyarihan ay manatili sila

desisyong pulitikal ang paghain ng Terror Bill
kahit ayaw mo'y sumunod ka, kung ayaw makitil
ang buhay, upang gagawin pa nila'y di mapigil
puri man ng bayan ay ilugso ng mga taksil

- gregbituinjr.

Martes, Hunyo 9, 2020

Ang tabletang tinawag na YBC 7289

Ang tabletang tinawag na YBC 7289

natagpuan noon ang isang putik na tableta
na likha noong unang panahon sa Babilonya
pinaniniwalaang tabletang ito'y gawa pa
ng estudyanteng mula sa timog Mesopotamia

ang parisukat nito'y may dalawang diyagonal
at tatak na dalawang numerong seksagesimal
una umano'y may aproksimasyong numerikal
habang sinusuri ko, ako'y napapatigagal

malalagay raw sa palad ng isang estudyante
ang tabletang itong ganoon lamang daw kalaki
ito nga'y "greatest known computational accuracy"
noong unang panahon, ganito nila sinabi

may kinalaman pa raw ito sa square root of two
na makikita rin daw sa tabletang may ugnay dito
inaral daw nina Neugebauer at Sachs ito
pati ni Ptolemy na Griyegong matematiko

ito ngayon ay nasa "Yale Babylonian Collection"
na diumano'y donasyon ni J. P. Morgan doon
ito'y "pair of numbers with geometric interpretation"
na ayon kina David Fowler at Eleanor Robson

matematikang Babylonia'y magandang aralin
bagamat ako'y nahihirapan pang unawain
subalit dapat ko itong suriin at aralin
upang itong matematika'y maitula ko rin

- gregbituinjr.
06.09.2020

Pinaghalawan: 
https://tl.wikipedia.org/wiki/Matematika
https://www.maa.org/press/periodicals/convergence/the-best-known-old-babylonian-tablet

Namulot ng tae ng hayop upang gawing pataba

namulot din ako ng tae ng hayop sa labas
upang gawing pataba sa tanim na nagpuprutas
di ba't wasto itong gawin, mabaho man ang etsas
pataba na sa lupa, may problema pang nalutas

kaya ang mga tulad ko'y wala nang diri-diri
hakutin ang tae upang tinanim ang magwagi
ako'y simpleng masa lamang, di naman ako hari
na sinilang nang may kutsarang pilak, nandidiri

sa kalaunan ay lalago na rin ang pananim
na kung namumulaklak ito'y tiyak masisimsim
na pag namunga ito'y kaysarap kahit maasim
na mawawala rin naman ang anumang panimdim

kaya sige lang, tae'y hakutin, gawing pataba
nakatulong ka pa sa kalikasang namumutla
wala nang diri-diri upang tumaba ng lupa
basta't mamunga ang puno ng sangkaterbang suha

- gregbituinjr.



Sa akin, ang pagkain na'y para lang gasolina

sa akin, ang pagkain na'y para lang gasolina
kailangan mo na lang ito upang lumakas ka
tumikim pa ng ibang putahe'y di na masaya
basta kung ano ang nandyan, iyon ang kainin na

patakaran ko na lang sa ulam ay murang presyo
at di kung masarapan ba ako sa lutong ito
medyo matabang, o maanghang man, kakainin ko
upang matapos na't magawa ang ibang proyekto

huwag mo na akong tanungin anong kakainin
kung tuyo ang mura, iyon ang aking uulamin
kung may talbos sa paligid, iyon ang lalagain
basta anong kaya ng bulsa, iyon ang lutuin

kahit araw-araw akong adobong porkchop, ayos lang
araw-gabi mang tuyong hawot o kangkong, okay lang
basta mabusog, ito na ang bagong patakaran
kumain upang may panggasolina ang katawan

- gregbituinjr.

Ang bagong normal ay mas lumala pa kaysa dati

ang bagong normal ay mas lumala pa kaysa dati
pag tatlong beses kumain ay masasabing swerte
dalawang beses na lang kami kung kumain dine
gulay, itlog, tuyo, noodles, mura lang, walang karne

tanong nga sa akin, nakakain ba ang prinsipyo?
mahirap kumain kung walang prinsipyo, sagot ko
mahirap lunukin ang binalato lang sa iyo
dahil lang naawa lalo na't wala namang sweldo

bakit di raw magpaalipin sa kapitalista?
nang kahit paano'y malimusan ako ng pera
sa isip: nabubuhay ba ako dahil sa kwarta?
kahit labag na sa prinsipyo bilang aktibista?

sige, susubukan kong mag-aplay sa pagawaan
ngunit pagmumulat ay tungkuling di maiwasan
pag may nakita akong paglabag sa karapatan
aba'y tutulong ako't di magbubulag-bulagan

karapatan ng manggagawa'y ituturo roon
kung kinakailangan, tayuan sila ng unyon
pag-aralan din ang lipunang umiiral ngayon
at ituro sa manggagawa ang kanilang misyon

ipaunawa rin ang sinasabing bagong normal
na malaki ang naging epekto sa mundo't asal
na buhay ng marami'y lumala't naging marawal
pagnilayan din ang trabaho't buhay na may dangal

lipunan at karapatan ay dapat unawain
pagkapitbisig ng manggagawa'y itaguyod din
ito lamang ang isa sa niyakap kong tungkulin
na dapat gampanan pagkat marangal ang layunin

- gregbituinjr.

Puna't patama

sa kanyang ang ugali'y kapara ng naptalina
walang magawa sa buhay, lahat na'y pinupuna
wala rin daw namang trabaho akong aktibista
bakit ayaw raw paalipin sa kapitalista

awit ni Freddie Aguilar ay mahilig kantahin
mag-ingat daw sa manloloko'y bukambibig na rin
tama naman, awit ni Freddie'y may tamang layunin
ngunit kakilala ko'y may pinatatamaan din

gumawa raw ng sulat upang manghingi ng pera
ang taong inilarawan ni Ka Freddie sa kanta
may sakit daw ang anak na dapat daw magamot na
subalit taong iyon ay sa kabaret nagpunta

nabisto siya ni Ka Freddie't natulala ito
iinom upang problema'y malimutan daw nito
kaya sa awit, ang sabi nga, "mag-iingat kayo"
sa modus nilang ganito't "baka kayo'y maloko"

isang kakilala'y inuulit yaong awitin
wala raw trabaho kaya ganito ang gawain
anya'y pabigat lang daw, mukhang patama sa akin
dahil ako'y walang sahod, paano raw kakain

manunulat na tibak kasi akong di magalit
masipag mang pultaym, walang kita, pulos pasakit
kaya gayon-gayon na lamang siya kung manlait
ngunit di ako tulad ng sinasabi sa awit

ngunit dahil walang sahod, sa akin ang patama
nais kong umalis pag ganito lagi ang gawa
nais kong takasan ang makakati niyang dila
subalit tiis-tiis, sarili'y pinapayapa

- gregbituinjr.

Lunes, Hunyo 8, 2020

Pagsilab ng pinagkayasan

aking tinipon ang pinagkayasan ng kawayan
baka magamit pa't di tinapon sa basurahan
kawayang kinayas upang haligi ng kulungan
ng manok at mga anak niyang aalagaan

ang pinagkayasan ay maaaring pagsilabin
sa gabing parang katol upang lamok ay patayin
o magsilayo sa amin, mahirap nang kagatin
kami't magkadengge'y tiyak magastos pang gamutin

dapat sa umaga'y walisin ang kuta ng lamok
habang nasa isip, maraming bata ang nalugmok
sa dengge't marami rin ang nangamatay sa turok
malaman lang ang pangyayaring ito'y di malunok

kaya mumunting pinagkayasan ay tinipon ko
at magamit sa gabing lamok ang kahalubilo
nagbabakasakaling sila'y mawalang totoo
nang di magkasakit ang aking pamilyang narito

- gregbituinjr.

Dagdag dugo muli

DAGDAG DUGO MULI mababa na naman ang kanyang hemoglobin  di pa abot ng otso, nasa syete pa rin dapat ay dose, ang normal na hemoglobin  kaya...