Linggo, Hulyo 5, 2020

Di ako sanay manahimik bagamat tahimik

di ako sanay manahimik bagamat tahimik
tabil ng pluma ko'y naglilingkod na parang lintik
pag naisasaloob ko ang masang humihibik
bawat hirap nila't pagdurusa'y sinasatitik

nagmamarka iyon sa buo kong kaibuturan
nagsisilbing apoy na nagpaningas sa kalamnan
upang itaguyod ang bawat ipinaglalaban
ako man ay malayo sa sentro ng kalunsuran

puso'y humihibik sa nakikitang pagdurusa
malayo man, pluma ko'y matinding nakikiisa
sinasabing sa bawat pagkilos ay may pag-asa
upang kamtin ang asam na panlipunang hustisya

hirap ng mga kasama sa diwa'y sumasagi
habang patuloy pa rin ang pakikipagtunggali
hindi tayo titigil hangga't hindi nagwawagi
huwag hayaang bulok na sistema'y manatili

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pagngiti

PAGNGITI palaging ngumiti, ang payo sa cryptogram na isang palaisipan sa pahayagan dahil bĂșhay daw ay isang magandang bagay at kayraming dap...