Sabado, Agosto 7, 2021

Paglalaba't pagsasampay

PAGLALABA'T PAGSASAMPAY

mga kwelyo'y pinagtiyagaang kusut-kusutin
kilikili't manggas ay pinagsikapang sabunin
pundiyo ng pantalon at singit ng salawal din
sinabon, kinusot, binanlawan, nagawa ko rin

sinampay ko sa labas at hinanger isa-isa
kung hindi uulan, baka bukas lang ay tuyo na
dahil lockdown at mag-isa lamang sa opisina
ay kayrami ring nagawa tulad ng paglalaba

oo, sa opisina, dahil bantay ako roon
doon naabutan ng lockdown, lungga ko na iyon
kay-agang matulog ngunit kay-aga ring bumangon
sa madaling araw itutula ang inspirasyon

munting bagay man ang maglaba'y mahalagang paksa
dahil mahalagang gawain ng isang makata
ang paglalaba'y tulad din ng pagkatha ng tula
mula sa pagsabon, pagkusot at pagbanlaw kaya

mga damit ay pipigain hanggang sa isampay
patutuyuin, pag natuyo'y isuot mong husay
tulad ng pagtulang sinimulan sa pagninilay
sinabon, kinusot, binanlawan ang paksang taglay

hanggang binanlawang damit ay tuluyang pigain
isampay, patuyuin, may mabangong susuutin
tulad ng tulang pinagnilayan ayy susulatin
na balang araw sa madla'y maaaring bigkasin

- gregoriovbituinjr.
08.07.2021

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Paslit dumugo ang mata sa cellphone

PASLIT DUMUGO ANG MATA SA CELLPHONE "kaka-cellphone mo 'yan!"  sabi lagi sa radyo pag patalastas o patawa ng payaso naalala ko...