Sabado, Agosto 7, 2021

Pagpapakadalubhasa sa wika

PAGPAPAKADALUBHASA SA WIKA

lockdown ay pagkakataon sa tulad kong makata
halimbawa'y pagpapakadalubhasa sa wika
pagbabasa ng Balarila ng Wikang Pambansa
U.P. Diksiyonaryong Filipino'y basahin nga

tula'y daluyan ko ng pakikipagtalastasan
mga saliksik na salita'y dito ang lagakan
kung paano ginagamit, di lang ang kahulugan
pag-aambag ng salita'y pagsisilbi sa bayan

makalikha man lang ng isang tula bawat araw
ay tatlumpung tula bawat buwan ang natatanaw
paksa'y masaya man  o tinarakan ng balaraw
sa ambag at pananaliksik ay huwag bibitaw

di man guro sa anumang paaralan sa bansa
dahil makata, sa wika magpakadalubhasa
ginagamit sa tula ang katutubong salita
gamitin din sa kwento't sanaysay, di lang sa tula

PALABUSAKIT pala'y ningas-kugon, nasaliksik
HALIBYONG pala ang fake news, SIKLAT naman ay toothpick
PEYON TUGAW ang touch move sa chess, isa pang saliksik
SALIMBUBOG ang dikyang puti, ingat, at kaybagsik

bukod sa aliping sagigilid at namamahay
ay may tinatawag pa palang ALIPING PAMUWAT
KUMAG ay pinong pulbos na nakadikit sa bigas
KUMAG din ay hanip o maliliit na kulisap

magbasa-basa't magsaliksik ang aking layunin
saliksik sa masa ibahagi'y aking tungkulin
ilahad sa sanaysay, kwento, tula, o awitin
ambag na upang wikang Filipino'y paunlarin

- gregoriovbituinjr.
08.07.2021

* ang mga salitang nasa malalaking titik ay mula sa mga nalikhang tula ng makata

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Paslit dumugo ang mata sa cellphone

PASLIT DUMUGO ANG MATA SA CELLPHONE "kaka-cellphone mo 'yan!"  sabi lagi sa radyo pag patalastas o patawa ng payaso naalala ko...